Isang pulis sa Harvard at isang batang babae, inulit ang kanilang larawan 15 taon ang nakalipas nang maging estudyante na rito ang dalaga!

Tatlong taong gulang pa lamang si Crystal Wang nang dinala siya ng kaniyang ama sa Harvard University. Doon ay nagkaroon siya ng pagkakataon na mapagpakuha ng litrato kasama ang isang pulis.

Hindi niya lubos akalain na makalipas ang 15 taon ay makakasama niyang muli ang pulis na ito. Hindi bilang isang bata kundi isang estudyante na sa prestihiyosong paaralan.

Ang pangalan ng pulis na kasama niya sa larawan ay Officer Charles Marren na nakadestino sa Harvard University campus. Sa larawan na kuha mismo ng ama ni Crystal na si Jin Wang.

Makikita ang lalaking ito na karga karga si Crystal noong bata pa siya. Ipinahayag ni Crystal na hindi naman niya talaga akalain na makakapasok at makapag-aaral siya dito.

Natanggap lamang daw siya dito dahil sa dual degree program ng “Berklee College of Music”. Ito ay isang programa sa loob ng limang taon kung saan makakatanggap siya ng Bachelor of Arts (A.B.) mula sa Harvard College at master’s degree mula naman sa Berklee College of Music.

Sa ngayon ay 18 taong gulang na siya at miyembro na rin siya ng Harvard Class of 2023. Laking gulat ni Crystal ng ipinakita sa kaniya ng kaniyang ama ang larawan nila ng pulis matapos niyang makapasok ng Harvard.

“In my mind, the likelihood of finding him was very low,” Komento ni Wang.

Dahil 15 taon na ang nakalilipas mula nang makuhanan ang larawan nilang ito ay nagdesisyon silang i-recreate o gumawang muli ng larawang katulad nito. Kung noon ay karga karga siya ni Officer Marren, ngayon ay nakasakay na si Crystal sa motor nito habang nasa gilid naman siya.

“It was just a really, really good time. I really connected with him,” Pahayag ng dalaga.

Umani din naman ng maraming komento at reaksyon mula sa publiko ang larawan na ito ng dalawa. Nakakatuwang makita na makalipas ang 15 taon, bagamat marami na ang nagbago pagdating sa pisikal na mga bagay ay marami pa rin naman ang hindi nagbabago tulad na lamang ng nabuong pagkakaibigan ng dalawa.