Isang mag-asawa ang nakakita ng gumagalaw na maleta sa daan, nagulat sila nang makita ang mga tuta na laman nito!

Nitong nakaraang linggo lamang, isang mag-asawa ang bumabiyahe sa North Carolina highway. Mayroon silang nakitang kakaiba habang binabaybay nila ang daan.

Isang iniwanang maleta ang kanilang nakita sa daan at tila gumagalaw ito nang gumagalaw. Nang nagdahan-dahan sila sa pagmamaneho noon ay napansin nila ang nakausling ilong sa naturang maleta.

Nagulat talaga sila nang tumambad sa kanila ang apat na mga tuta sa loob ng maleta. Agad din naman nilang dinala ang mga ito sa Guilford County Animal Services.

Nang sinabi nila ang pangyayari ay hindi pa sila agad pinaniwalaan ng mga staff roon. Ngunit kalaunan ay naniwala na rin sila.

Nagulat daw kasi ang mga ito na mayroon pa palang gagawa ng ganito sa mga kawawang hayop. Puro babae ang apat na tuta na kanilang natagpuan.

Halatang-halata rin na tila natatakot pa ang mga ito sa bagong lugar kung nasaan sila. Maging sa mga staff o sa mga taong naroroon ay mailap silang lahat.

Sa kabila nito ay marami pa rin sa mga staff ang talagang umasikaso sa kanila nang husto. Hindi rin naman nagtagal at naging komportable na sila sa bago nilang tahanan.

“They are very scared and shy. The medical team says they haven’t had much human socialization, so our staff is interacting and playing with them.” Pahayag ng isang staff sa animal shelter na kanilang pinaglalagian.

Binigyan din naman ng Guildford County Animal Services rescue team ng pangalan ang mga tuta na ito na malapit sa mga salitang “travel” at “luggage”. Ito ay Tumi, Samsonite, Stowaway, at Carion (“carry on”)

Ayon pa sa animal shelter, pagkatapos ng medical examination sa kanila ay maaari na silang maampon ng bagong pamilya. Magkakaroon na sila ng pagkakataon na makasama ang mga taong magmamahal at kakalinga sa kanila.

Hindi tulad noon na hinayaan na lamang sila sa mapanganib na lugar, ngayon ay masisigurado na ang kanilang kaligtasan.