Isang donkey ang nag-aakala na siya ay isa talagang tuta, kinagigiliwan ngayon ng publiko!

Marami ang natuwa sa isang donkey na ito – asno o buriko kung tawagin sa Tagalog – na nakilala bilang si Tiny Tim. Hindi katulad ng ordinaryong mga donkey na isinisilang nang mayroong bigat na 22 hanggang 27 kilo, si Tim ay ipinanganak nang mayroon lamang hindi hihigit sa 5 kilo! Buti na lamang at kaagad siyang nakita ng kaniyang amo na si Jody Topping.

“When I found Tiny Tim in the barn, I thought it was actually a rabbit. He was so small,” Kwento ni Jody.

“His mother rejected him, we tried to get them to bond but she was very violent with him and we had to intervene,” Dagdag pa niya.

Nakakalungkot lamang na ang mismong ina niya ay hindi siya gustong makasama at talagang nagagalit kapag nilalapit nila si Tim dito. Dahil dito ay kinailangan na rin nilang gumawa ng ibang paraan upang makaligtas ang kawawang donkey.

Dahil nga sa sobrang baba ng timbang niya ay nagkaroon siya ng maraming komplikasyon noong bata pa ito. Nagdesisyon si Jody na dalhin siya sa beterinaryo kung saan nila natuklasan na hindi na gumagana ng maayos ang kaniyang atay.

Dahil dito, napag-usapan nilang pamilya na alagaan na lamang sa loob ng kanilang bahay ang donkey hanggang sa mga huling sandali nito. Hindi nagtagal at unti-unti nang lumakas si Tim.


Ngunit nagkaroon muli ng panibagong hamon ang mag-anak dahil sa inaakala marahil ni Tim na siya ay isang tuta at hindi isang asno. Lumaki kasi ito kasama ang dalawa pang mga alagang aso ni Jody kung kaya naman ang pagkilos ni Tim ay para na ring isang tuta!

“He takes on characteristics of dogs. He fetches a ball, licks plates as I load the dishwasher and sleeps on a dog bed,” Pagsasalaysay pa ni Jody.

Tunay nga na kahit umaastang tuta si Tim kahit pa nga siya ay isang asno, wala nang mas mahalaga pa sa katotohanan na nagbibigay siya ng kasiyahan sa buong mag-anak.