Marami sa ating mga Pilipinong kababayan ang lumilipad patungo sa ibang bansa upang doon ay magtrabaho. Hindi alintana ang hirap at sakripisyo sa kanilang pag-alis sa Pilipinas papalayo sa kanilang mga mahal sa buhay.
Nais kasi nilang makamit ang kanilang mga pangarap at masuportahan ang kanilang mga pamilya at magiging posible lamang ito kung makikipagsapalaran sila sa ibang bansa. Hindi lahat sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na ito ay pinapalad sa nakikilala nilang mga amo at napupuntahan nilang mga pamilya.
Mayroong mga masuswerte na talagang napupunta sa mababait na mga amo ngunit mayroon din namang iilan na minamaltrato at pinagmamalupitan. Ngunit para sa isang Pinay caretaker na nakilala bilang si Minette, naging napakapalad niyang makilala ang lolo ng sikat na Hollywood singer na si Michael Buble.
Walong taon kasi siyang naging personal nurse ng lolo ni Michael Buble at sa panahong iyon ay talagang naging mabuting magkaibigan din silang dalawa. Dagdag pa ni Buble, si Minette raw ay talagang “compassionate, kind empathetic human being with a great sense of humor, a great zest for life, who sort of never did anything for herself.”
Ang kaniyang lolo rin daw mismo ang nagsabing ilaan para kay Minette ang bahay niyang ito sa Vancouver. Halos 50 taon na ang nakalilipas ng mabili at maitayo ng kaniyang lolo ang bahay na ito at talagang napakarami rin nilang magagandang alaala dito mula noong siya ay bata pa.
Natitiyak rin daw ni Buble na magiging masaya ang kaniyang lolo dahil si Minette na ang titira sa kaniyang dating tahanan. Para naman kay Minette, sobra sobra raw ang regalong bahay at lupa para sa kaniya.
Labis labis raw ang kaniyang pasasalamat at talagang wala siyang masambit na salita upang mailarawan ang kaniyang nararamdaman ng mga panahong iyon. Talaga namang napakapalad ni Minette dahil hindi na siya mahihirapan pa ng husto upang magkaroon ng sarili niyang tahanan sa ibang bansa.