Si Joanne Ussery ay 52 taong gulang na ginang mula sa Mississippi. Literal na nakatira siya sa isang Boeing plane na sa ngayon ay tinatawag na niyang tahanan.
Ayon sa kaniyang pagsasalaysay, hindi niya ninais na manirahan sa isang lumang eroplano. Ngunit dahil na rin sa pagkakasira ng kaniyang tirahan nang magkaroon ng sunog sa kanila ay wala na rin siyang nagawa kundi ang manirahan dito.
Noon ay gusto niya talagang magkaroon ng isang mobile home na malapit sa tabing lawa sa Benoit. Hindi nais ni Ussery na manirahan sa isang condo unit o isang trailer kung kaya naman minabuti na rin niyang gumawa ng tirahan sa lumang eroplanong ito.
Ang kaniyang bayaw na si Bob Farrow na nagtatrabaho bilang isang “air traffic controller” ang nagsabi sa kaniyang dapat na siyang mag-invest sa isang Boeing 727. Ang naturang eroplano ay mayroong registration number na N88701. May 11, 1968 ang naging unang paglipad nito hanggang September 20, 1993, nanatili naman ito sa airport sa Greenwood mula noon.
Halos US$2,000 ang halagang nagastos niya para sa katawan ng eroplanong ito at US$4,000 pang muli para naman madala ito sa tabing-lawa kung saan niya nais manirahan. Sa halagang US$25,000 naman ay nagawa niyang mapaganda at maipaayos ang dating eroplano upang maging ganap na itong isang tahanan.
Nagkaroon ito ng tatlong mga silid. Isang living room, isang kusina, labahan, at isang master bathroom.
Mayroon ding mainit na tubig sa kaniyang tirahan at kuryente tulad ng isang tipikal na bahay.
“The plane is 27 years old and it’s the best home in the world. It has all the things you want in a home: a telephone, air conditioning, an oven, a washing machine even a dishwasher,” Pahayag niya.
Sa dating cockpit area naman nito ay nagpalagay siya ng isang Jacuzzi kung saan siya naglalagi tuwing tag-lamig o winter.