Marahil ay pamilyar na ang marami sa atin, lalo na ang mga magulang sa salitang “picky-eater”. Noon pa man ay talagang malaking problema na ito ng maraming mga magulang.
Ngunit pinipilit pa rin nilang maibigay ang wastong nutrisyon na kailangan ng kanilang mga anak. Hangga’t makakaya nila ay talagang sila mismo ang naghahanda ng mga pagkain ng mga ito upang masiguro na sila ay makakain pa rin ng gulay sa araw-araw.
Kailangan kasi talaga ito ng mga bata at maging ng mga matatanda upang mas maging malakas at malusog sila. Ngunit batid ba ninyong may kakaiba palang karamdaman kung saan ang isang tao ay mayroong “phobia” o takot sa mga pagkain?
Ito ang karanasan ng isang British na babae kung saan talagang naduduwal siya sa tuwing iisipin pa lamang niya ang uri ng mga pagkain na madalas kinakain ng mga karaniwang indibidwal. Siya ay nakilala bilang si Summer Monro, 25 taong gulang.
Mayroon siyang avoidant restrictive food intake disorder (ARFID). Para sa kaniya, sa tuwing iisipin niya ang pagkain ng mansanas o di kaya naman ay saging ay talagang naduduwal na siya kaagad.
“I can’t remember the last time I ate a fruit or vegetable,” Pahayag niya.
Hindi daw ito dahil sa ayaw niya talagang subukan na kumain ng mga prutas at gulay ngunit pakiramdam niya ay mayroong parte ng kaniyang isipan na talagang ayaw kumain ng mga masusustansiyang pagkain na ito. Marahil daw ay nagsimula ito noong siya ay pinilit na kumain ng “mashed potato” noong siya ay bata pa.
Talagang di niya makaya ang kumain nito. Sinubukan din ng kaniyang lolo na bigyan siya ng $1,800 kung makakakain siya ng kahit isang “pea” o gisantes.
Gusto naman daw talaga ni Summer ang amoy ng pagkain ngunit kapag isusubo na niya ito ay talaga hindi na niya nakakaya pa. Nakasanayan na niya ngayon na hindi kumain ng almusal at potato chips na lamang sa tanghali.
Tuwing hapunan naman ay 6 hanggang 8 piraso ng chicken nuggets lamang ang kaniyang kinakain. Nilinaw din niyang malusog siya at walang kahit anong karamdaman ayon na din sa kaniyang mga doktor.