Isang aso ang namataang umiiyak habang hinihintay ang kaniyang amo na bumalik sa lugar kung saan siya nito iniwang mag-isa!

Noon pa man, “man’s best friend.” na kung ituring ang mga aso. Talaga namang nakapagdadala sila ng kakaibang galak at sigla sa isang sambahayan.

Ngunit nakakalungkot lamang isipin na mayroon ding iilang mga tao na basta na lamang inaabandona at iniiwanan ang kanilang mga alagang aso sa kung saan-saan na lamang lalo na kung matanda na ang mga ito o di kaya naman ay mayroon nang malibhang karamdaman. Hindi naiintindihan ng mga hayop na ito kung bakit sila iniwanan at inabandona na lamang ng mga itinuturing nilang pamilya at talagang nagiging mapait at masakit na karanasan ito para sa kanila.

Agosto 2020 nang magbahagi ng isang video ang netizen na si Kritter Klub patungkol sa isang aso sa Korea na basta na lamang inabandona ng kaniyang amo sa harapan ng isang kainan o restawran. Maraming taga-roon ang nakapansin sa tila pagluha ng kawawang aso na marahil ay naghihintay sa pagbabalik ng kaniyang amo sa lugar kung saan siya nito iniwanan.

Umulan at umaraw ngunit walang among bumalik upang kuhanin siya. Sa tuwing mayroong dadaan at papasok na kostumer sa naturang kainan ay agad na sinusulyapan ng aso kung ito na ang kaniyang hinihintay na amo ngunit kahit isang beses ay hindi niya ito muli pang nasilayan.

Nagmagandang-loob na ang mga tao roon na tulungan ang aso dahil sa tingin nila ay mayroon itong dinaramdam na sakit. Nang dalhin nila ito sa beterinaryo ay natuklasan nilang malala na pala ang sakit nito sa atay at nasa panganib na ang kaniyang buhay.
Ayon sa naging pahayag ng doktor, marahil ito na rin ang dahilan kung kaya inabandona ang aso. Hindi rin kasi sakop ng insurance ang ganitong klase ng gamutan sa mga ospital.

Hindi naglaon at mayroong mag-asawang nagnais na ampunin ang asong ito dahil minsan na silang nawalan ng pinakamamahal nilang alaga. Napansin nilang katulad ng mata ng naturang aso ang mga mata ng pumanaw nilang alaga.

Sa ngayon ay nakatagpo na ng bagong pamilya at bagong tahanan ang asong dati ay walang sigla, malungkot, at umiiyak.