Isang tindera ng gulay, nagsauli ng 2.7 milyong piso na aksidenteng naiwanan ng isang estranghero!

Ang katapatan ay ilan lamang sa mga mahahalagang kaugalian na talaga namang mayroon tayong mga Pilipino. Noon pa man ay marami na tayong nababalitang mga kwento nang katapatan hindi lamang dito sa ating bansa kundi maging sa ibang bayan.

Ngunit sa paglipas ng panahon, tila ba paunti na ng paunti ang mga taong matapat at walang hinihintay na kapalit. Marahil ay dahil sa matinding kahirapan o sa dami na rin ng problemang kinakaharap natin sa araw-araw.

Maaaring nakakagawa tayo ng mga bagay na madalas ay pinagsisisihan din natin bandang huli. Ngunit para sa tindera ng gulay na nakilala sa pangalang Alice Baguitan, noon pa man ay itinuro na sa kaniya ng kaniyang mga magulang na maging matapat sa lahat ng pagkakataon.

Siya ay tubong Laoag, Ilocos Norte. Marami ang nagulat ngunit mas marami ang namangha sa kaniya nang magsauli siya ng mahigit 2.7 milyong piso!

Ayon sa kaniyang naging salaysay, kumakain siya noon sa isang kilalang fast-food chain, mayroon siyang nakatabing babae na mayroong malaking bag. Hindi naman niya ito pinansin at agad nang ipinagpatuloy ang kaniyang pagkain.


Maya-maya pa ay narinig niyang may emergency na pinuntahan ang babae dahilan upang makaligtaan niya ang kaniyang dalang bag. Dahil sa likas na matulungin si Alice ay talagang sinikap niyang maibalik sa babae ang kaniyang bag.

Hindi naman makapaniwala ang may-ari ng bag na maibabalik pa sa kaniya ang kaniyang naiwanang bag. Labis labis ang pasasalamat ng babae kay Alice dahil hindi sumagi sa isip nitong kuhanin na lamang ang perang laman ng kaniyang bag.

Ninais din sana niyang bigyan ng gantimpala si Alice sa kaniyang ginawang kabutihan ngunit tumanggi na ito. Ayon kay Alice ay ginawa lamang niya ang tamang gawin sa mga oras na iyon.

Kung mayroon din naman daw na magbibigay ng gantimpala sa kaniya ay walang iba kundi ang Panginoong Diyos.