Madalas tayong makarinig ng mga reklamo mula sa mga tao sa ating paligid. Kahit pa nga minsan ay hindi naman kailangang magreklamo ay tila ba nakasanayan na natin ang ganitong kaugalian.
Sa kabila nito ay marami pa rin namang mga tao na hindi na nagsasalita o nagrereklamo pa ng husto kahit gaano kabigat ang mga pagsubok na kanilang pinagdaraanan dahil batid nilang mayroon ding katapusan ang lahat ng paghihirap na ito. Marahil ay sariwa pa rin sa ating alaala ang kwento ng isang batang lalaking ito na lumaban sa isang cycling competition kahit pa nga luma at sira na ang kaniyang bisikleta.
Hindi tulad ng kaniyang mga kalaban na mayroong kumpletong gamit sa naturang kompetisyon, siya ay walang pangyapak at wala ring helmet. Ngunit hindi ito naging hadlang upang panghinaan siya ng loob sa naturang paligsahan.
Ang batang ito ay nakilala sa pangalang Pich Pheara. Siya ay nakatira sa isang munting barong-barong sa Prek Ta Kong village sa Prek Tasek district sa Chroy Chongva district, Phnom Penh. Dahil sa naturang cycling event ay marami ang humanga at bumilib sa kaniya dahil hindi talaga naging hadlang ang kahirapan upang ipagpatuloy niya ang hilig niya sa pagbibisikleta.
Dahil dito ay mayroong isang mabuting Samaritano ang tumulong sa kaniya upang sa wakas ay magkaroon siya ng isang maayos at bagong bisikleta. Siya ay walang iba kundi si Lang Tyleang.
Hinangaan daw niya ang batang ito dahil sa pagiging pursigido nito sa buhay. Kung kaya naman nais niyang kahit sa munting paraan lamang na ito ay makapagbigay kasiyahan siya sa bata.
Tunay ngang hindi madali ang mga pagsubok at hamon ng buhay na ating kinakaharap ngunit sa mga pagsubok na ito ay tiyak na makakamtan din natin ang tagumpay pagdating ng tamang panahon. Tiyak din na maraming mga tao ang tutulong sa atin upang kahit papaano ay gumaan ang mga dalahin natin sa buhay.