Isang aso na nakaranas ng trauma sa kaniyang mga naging karanasan noon, hindi mapigilang mapayakap sa mga nagligtas sa kaniya!

Nakakalungkot makakita ng mga hayop na pinabayaan at inabandona ng kanilang mga amo lalo na sa panahon natin ngayon. Marami sa kanila ang hinahayaan na lamang na magutom sa lansangan at ang ilan pa nga ay doon na rin binabawian ng buhay.

Walang kasiguraduhan ang buhay ng mga hayop na ito sa lansangan dahil mas nagiging delikado ang buhay nila rito. Si Natalie Olivieri ay isa sa mga rescuers sa kanilang lugar.

Nang unang beses niyang makita si Harper ay alam na niyang nakaranas ito ng pang-aabuso. Siya mismo ang nakakita kay Harper sa Redland, Florida (o mas kilala rin sa tawag na “The Redlands”).

Si Olivieri din ang Vice President ng Furever Bully Love Rescue. Isa itong organisasyon na mayroong headquarters sa Orlando at mayroong mataas na bilang ng mga inaalagaang aso na inabandona at natagpuan sa lansangan.

Araw-araw ay pinapakain nila ang maraming asong ligaw sa kanilang lugar sa pamamagitan ng proyektong pinangalanan nilang “Redland Rock Pit Abandoned Dog Project”. Halos nasa 350 pounds ang nakakain ng halos 100 mga aso ayon sa Vice President ng organisasyon na si Jessie Pena.

“There are thousands of dogs out there. We only cover a small area. Redland is huge.” Dagdag pa ni Pena.

Nang minsang magsanib pwersa ang Furever Bully Love Rescue at Redland Rock Pit ay nagawa nilang makarating sa mga liblib na lugar upang makapag-rescue sila ng mga hayop doon.

“We pulled onto this dirt road, it was all remote. You would never find it on your own.” Pahayag ni Olivieri.

Dito na nila natagpuan si Harper na isang taong gulang na hound mix. Ayon sa ilang mga volunteer, napansin na nila si Harper sa lugar noon. Sa kanilang tantya ay nasa apat o halos limang buwan nang naroroon ang aso.

Matapos nilang mailigtas si Harper ay hindi na nito maawat ang sarili na yakapin ang mga taong nagligtas sa kaniya. Marahil ito ang kaniyang paraan upang magpasalamat sa mga ito.