Hindi na mabilang sa ngayon ang mga hayop na inaabandona na lamang ng kanilang mga amo sa kung saan saan. Walang masisilungan, walang makakain, at walang kasiguraduhan kung magiging ligtas baa ng kanilang mga buhay.
Talaga namang nakakalungkot at nakakapanlumo, hindi ba? Buti na lamang at mayroon pa ring mga tao tulad ni Sasha Pesic, ilang taon na rin siyang tumutulong sa mga asong inabandona na ng kanilang mga itinuturing na pamilya.
Si Pesic ang itinuturing na isa sa mga kilalang animal rights campaigners. Taong 2008 nang buksan niya ang kaniyang shelter para sa mga asong ito na ngayon ay nasa higit 750 na ang bilang.
Ayon kay Pesic, nagsimula ang lahat nang taon ding iyon kung kailan siya nakatagpo ng apat na mga tuta na inabandona na ng kanilang mga amo habang nagmamaneho siya pauwi. Wala siyang magawa kundi kuhanin at iuwi ang mga ito dahil sa habag na kaniyang nararamdaman para sa kanila.
Kahit pa nga hirap siya sa pera ng mga panahon na iyon ay talagang sinikap niyang matulungan ang mga asong ito sa abot ng kaniyang makakaya. Dahil mayroon ding anim na nag-boluntaryong tumulong sa kaniya, nagawa niyang makapagtayo ng shelter na siyang nagbibigay ng tahanan sa mga asong ito at nagbibigay din ng makakain para sa kanila.
Laking pasasalamat din naman nila dahil sa mga taong patuloy na nagbibigay ng kanilang mga donasyon mula sa iba’t-ibang panig ng mundo. Marami ang nagulat nang aminin niyang kabisado niya ang pangalan ng kaniyang mga alagang aso at talagang sinisigurado daw niyang may bakuna ang mga ito, nalilinisan, at mayroong tag na may ID microchip ang bawat isa.
Mayroon na siyang nai-rescue na halos 1,200 na mga aso at higit 400 sa mga ito ang nagkaroon na ng bagong mga tahanan. Talaga namang marami ang humahanga, bumibilib, at sumasaludo kay Pesic sa kaniyang adbokasiya ng pagtulong sa mga abandonadong aso na ito.