Nakakita ka na ba ng isang Spiderman sa tunay na buhay? Saan mang sulok ng mundo ay kilala natin ang karakter na ito.
Nagkaroon na rin nga ito ng maraming pelikula na hanggang ngayon ay tinatangkilik pa rin ng publiko. Maging ang mga maliliit na bata ay gustong maging tulad niya paglaki nila.
Bayani o superhero nga kung maituturing ang karakter niya dahil sa ginagawa nitong pagtulong sa nakararami. Sa China, isang ginang ang nagmistulang Spiderman sa tunay na buhay matapos niyang akyatin ang isang kastilyo.
Ang ginang na ito ay nakilala bilang si Ma Jei. Inakyat niya ang 21-metrong Zhonghau Castle wall dahil sa ayaw nitong gumastos ng USD3.29 o halos 187 pesos para sa admission fee!
Maging ang ibang mga turista nang mga oras na iyon ay talagang nanunuod sa kaniyang ginagawa. Ayon kay Ma Jei, noong bata pa siya ay talagang marami na siyang inakyat na matataas na mga lugar kahit na wala siyang lubid at iba pang “safety equipment”.
Hindi nagtagal at mayroon ding ilang mga turistang gumaya sa kaniya na umakyat sa pader na iyon. Hindi sila nagtagumpay dahil dalawa sa mga ito ay nahulog at nabalian ng binti habang tatlo naman ang kinailangang iligtas ng mga pulis.
“She ran up the wall like a goat and made it look easy. But when people tried it for themselves they saw it wasn’t quite as simple as they thought.” Komento ng isa sa mga pulis na rumesponde sa lugar.
Maaaring madali ito para kay Ma Jei ngunit hindi dapat kaligtaan ng publiko na importanteng maging maingat sa mga ganitong pagkakataon dahil buhay ang nakasalalay dito. Isang maling galaw at maling hakbang ay tiyak na magdudulot ito ng kapahamakan.
Wala rin namang masama sa pagiging matipid, lalo na sa panahon natin ngayon na halos lahat ng pangunahing bilihin ay nagtataas na, ngunit sa ganitong pagkakataon na maliit na halaga lamang kung tutuusin ay tiyak na maraming magsasabing magbayad na lamang kaysa malagay pa sa peligro ang kaniyang buhay.