Isang Pitbull na dapat ay aampunin na sana, hindi natuloy dahil sa ayaw nitong iwanan ang kaniyang kaibigang aso sa animal shelter!

Napakasarap sa pakiramdam kung mayroon kang maraming kaibigan, hindi ba? Lalo na kung ang mga ito ay magandang naidudulot sa iyo o iyong mga mabubuti mong kaibigan.

Ngunit kahit gaano karami ang ating mga kaibigan, tiyak na mayroon tayong pinakatatangi sa mga iyon – ang ating matalik na kaibigan o “best friend”. Kung inaakala nating para lamang sa mga tao ang terminolohiya na ito, nagkakamali tayo.

Dahil pinatunayan ng dalawang asong ito na sina Merrill at Taco kung ano talaga ang kahulugan ng pagkakaibigan. Si Merrill ay tatlong taong gulang na Pitbull habang si Taco naman ay 8 taong gulang na Chihuahua.

Noon pa man ay marami na ang nakapansin sa pagiging malapit nilang dalawa sa Rocket Dog Rescue na matatagpuan sa San Francisco, California. Kahit pa nga walang nakakakilala sa kanilang mga amo, hindi maipagkakaila ang pagiging malapit nilang dalawa sa isa’t-isa.

Madalas nga silang taguriang “Soulmates” ng karamihan doon. Isang araw ay mayroong naghahanap ng asong maaalagaan o maampon.

Agad nitong napansin si Merrill at naramdaman niyang nais niya itong maging alaga. Inayos kaagad ang lahat ng dokumento na kakailanganin niya upang maging legal ang kaniyang pag-ampon kay Merrill ngunit nang dumating na ang araw na kukuhanin niya ito ay nagkaroon sila ng problema ng shelter.

Sa tuwing paghihiwalayin kasi nila sina Merrill at Taco ay umiiyak ang mga ito. Sa kasamaang-palad ay isang aso lamang ang hinahanap nito kung kaya naman hindi niya kayang ampunin pa si Taco.

Dahil dito ay nagdesisyon siyang huwag na lamang ding ampunin si Merrill. Buhat ng mangyari iyon ay nagkaroon na ng “exception” sa dalawang asong ito na kung mayroon mang mag-aampon sa isang aso ay kailangan din nitong ampunin ang isa pa.

Nang malaman naman ito ng isang volunteer staff sa naturang shelter na si Jody ay hindi ito nagdalawang-isip na ampunin ang dalawa. Talaga namang naging masaya ang kanilang pagsasama bilang isang pamilya.