Isang leon sa China Zoo na mayroong “straight bangs”, pinagtakhan ng publiko dahil sa kakaiba nitong hitsura!

Isa na marahil sa pinakasensitibong paksa ngayon hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo ang usapin patungkol sa pangangalaga ng mga hayop at ng ating kapaligiran. Hindi na rin kasi lingid sa ating kaalaman na unti-unti nang nasisira ang ating planeta at ang ating Inang Kalikasan dahil na rin sa ating mga kagagawan.

Marami sa atin ang walang pakundangan sa pagtatapon ng mga basura sa ating mga yamang-lupa at yamang-tubig. Dahil dito ay mas lalong lumalala ang polusyon sa ating paligid. Hindi lamang tayo ang naaapektuhan kundi maging ang mga hayop na naninirahan dito.

Dahil sa marami na ngayong mga pribadong organisasyon na tumutulong at nangangalaga sa mga hayop na ito, mas nagiging sensitibo ang publiko patungkol sa mga ganitong isyu. Tulad na lamang halimbawa ng ilang mga larawan na ito ng isang leon sa China na tila mayroong kakaiba sa kaniyang hitsura.

Isang leon sa Guangzhou Zoo ang pinagkakaguluhan ngayon sa social media matapos mapansin ng maraming mga tao ang kakaibang hitsura nito. Hindi kasi ito tipikal na hitsura ng mga leon dahil sa mayroon talaga itong “straight bangs”!

Isang bisita ng naturang zoo ang kumuha ng larawan na ito at siyang naging dahilan upang kumalat ang mga larawan. Hindi mabilang ang mga netizens na nagkomento patungkol sa naturang hitsura ng leon.

Itinanggi naman ito ng zoo nang minsang kapanayamin sila ng ilang mga reporters. Ayon sa naging pahayag nila, ang leon daw mismo ang siyang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang hitsura ng kaniyang buhok.

Wala rin daw maglalakas loob na gupitin o galawin ang kaniyang buhok dahil labis itong mapanganib. Dahil dito ay umaasa sila na kahit papaano ay mapapansin ng publiko ang mga natatanging ganda ng mga hayop sa naturang zoo.


Hindi lamang dapat ang kanilang kagandahan ang ating pagtuunan ng pansin kundi kung paano rin natin sila mapangangalagaan lalo na sa panahong ito.