Isang alagang aso ang hindi napigilan ang kaniyang kaligayahan nang makita ang kaniyang sundalong amo na umuwi makalipas ang ilang buwan!

Hindi na bago sa atin ang balita patungkol sa muling pagkikita ng isang alagang hayop at ng kaniyang amo. Talaga nga namang nakakaantig ng kalooban ang ganitong klase ng mga tagpo.

Kamakailan lamang ay pumukaw sa atensyon ng publiko ang muling pagkikita ng isang Golden Retriever at amo nito na isang sundalo. Siya ay nakilala bilang ang asong si Buddy, 13 taong gulang na siya.

Maaaring bata pa para sa atin ang edad niya na ito ngunit matanda na ito o “senior” nang maituturing para sa mga aso. Matalik niyang kaibigan si Hannah Foraker.

Ngunit nang tumuntong ito sa edad na 21 taong gulang ay ginusto nitong magpalista sa pagiging isang sundalo. Kinailangan niyang umalis at magsanay sa Oklahoma.

Masakit para kay Hannah na iwanan ang kaniyang mga alagang sina Buddy at kabayo niyang si Derby. Ngunit wala naman siyang ibang magagawa patungkol dito.

Iniwanan naman niya sa kaniyang pamilya ang kaniyang mga alaga kung kaya naman sigurado siyang hindi nila sila pababayaan. Hindi rin naman nagtagal at nakauwi nang muli si Hannah sa kanila.


Pagkatapos ng tatlong buwan ay muli na silang magkikita ng alaga niyang si Buddy kung kaya naman talagang nasasabik na ito. Nang magkita na nga silang dalawa ay talagang mababakas kay Buddy ang labis na kaligayahan nito.

Tuta pa lamang si Buddy ay magkasama na sila kung kaya naman labis ang kaniyang kalungkutan nang umalis si Hannah. Sa ngayon, mahina na ang pandinig ni Buddy dahil sa katandaan at mayroon na rin siyang arthritis ngunit hindi ito naging dahilan upang hindi niya batiin ang kaniyang kaibigan na si Hannah sa muling pagbabalik nito.

Nang masilayan nga ni Buddy si Hannah ay binaon niya ang mukha niya sa kaniyang kandungan at tila ba naiiyak ito sa labis na kaligayahan at pananabik. Labis din namang na-touch si Hannah dahil sa ipinakitang ito ni Buddy.