Inspirasyon sa publiko ang lumang ID na ito ni Manny Pacquiao noong siya ay isang “construction worker” pa lamang!

Inspirasyon sa publiko ang lumang ID na ito ni Manny Pacquiao noong siya ay isang “construction worker” pa lamang!

Si Emmanuel Dapidran Pacquiao Sr., o mas nakilala natin bilang si Manny Pacquiao ay 43 taong gulang na pulitiko at dating propesyonal na boksingero. “PacMan” kung tawagin siya ng nakararami. Kilala din siya bilang “one of the greatest professional boxers of all time”.

Nagsilbi na rin siya bilang isang senador mula taong 2016 hanggang 2022. Ang kaniyang net worth ngayon ay umaabot na ng $220 million kung kaya naman hindi na rin nakapagtataka na isa siya sa pinakamayamang Pilipino ngayon.

Ngunit tulad ng nakararami sa atin, dumaan din sa matinding pagsubok at paghihirap ang pambansang kamao. Talagang sa murang edad ay kinailangan na niyang magbanat ng buto.

Sa katunayan ay 15 taong gulang pa lamang ay nagtrabaho na siya bilang isang construction worker. Maraming mga netizens ang nakakita sa ID niyang ito bilang isang “laborer” noong taong 1994.

Tunay ngang hindi rin niya kinakahiya ang kaniyang pinagmulan, maging ang buo niyang pamilya ay ipinagmamalaking nagmula sila sa kahirapan at dahil sa determinasyon at pagsusumikap ni PacMan ay nakamit na nila ang tagumpay at kasaganahan ngayon. Maliban sa pagiging isang construction worker ay nagpasada rin pala ng “padyak” ang batang Pacquiao.

Naging panadero rin siya sa kanilang lugar noon. Napakarami na niyang nasubukan na trabaho kung kaya naman nang mabigyan siya ng pagkakataon na ipamalas ang kaniyang talento at angking galing sa pagboboksing ay hindi na siya nagdalawang-isip pa.


Binuhos niya ang lahat lahat upang matupad ang kaniyang mga pangarap, hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi para na rin sa kaniyang buong pamilya. Sa ngayon ay hindi lamang siya, ang kaniyang asawang si Jinkee at mga anak ang mayroong maginhawang buhay kundi maging ang kanilang mga kamag-anak at kapamilya.

Nagsisilbing inspirasyon din sila na hindi dapat mawala ang matatag na pananampalataya sa Diyos upang mapanatiling buo, kuntento, at masaya ang pamilya.