Isang senior citizen na traysikel drayber na, sari-sari store owner pa sa loob mismo ng kaniyang traysikel!

Sa hirap ng buhay ngayon, talagang mapalad na tayong mayroon pa ring mga trabaho at ikinabubuhay. Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na nitong nagdaang pandemya ay talagang marami nang mga negosyong nalugi at kinailangang magsara.

Marami din ang mga empleyadong nawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng kanilang mga kompanya. Nakakalungkot mang isipin ngunit ilan lamang ito sa mga naging karanasan ng marami sa atin dito at maging sa ibang bansa.

Ngunit sa kabila ng napakaraming mahihirap na karanasan na ito ay hindi pa rin nagpatinag ang maraming mga Pilipino. Talaga naman kasing nagsumikap at nagpursige pa rin ang marami sa atin na magkaroon ng iba pang mapagkakakitaan.

Tipikal na talaga sa mga Pilipino ang hindi sumuko sa mga hamon ng buhay gaano man ito kahirap. Talagang lalaban at babangon tayo upang makamit ang ating mga plano at pangarap sa buhay.

Tulad na lamang ng isang senior citizen na ito na nakilala bilang si Tatay Crisostomo. Siya ay 63 taong gulang na ngunit talagang nagbabanat pa rin siya ng buto araw-araw.

Labis na namangha sa kaniya ang isa sa kaniyang mga naging pasahero na si Allana Abbiegail. Ito ay dahil sa maliban sa pagiging masipag niyang traysikel drayber ay isa rin pala siyang tindero sa kaniyang munting sari-sari store.

Kung inaakala ninyong ang kaniyang sari-sari store ay iba pa sa kaniyang traysikel, tiyak na mamamangha kayo sa kaniyang diskarte. Dinala na niya kasi mismo ang kaniyang munting tindahan sa loob ng kaniyang traysikel upang doon na mismo makapamili at bumili ang kaniyang mga nagiging pasahero.

Marami ang namangha sa kaniya dahil maaari din pala itong gawin lalo na kung kailangan nating magdoble-kayod. Wala talagang imposible sa taong may diskarte at may tiyaga sa buhay. Lalo na iyong mga tao na mayroong inspirasyon na pamilya at mga mahal sa buhay.