Isang Mayor sa Mexico, nagpakasal sa bride niyang buwaya?!

Ang pagpapakasal ay isa sa mga sagradong seremonya dito sa Pilipinas. Bilang isang “Catholic country”, talaga namang strikto pa rin ang karamihan sa atin pagdating sa pagpapakasal at maging sa pakikipagrelasyon. Kahit pa nga mayroon na ring LGBT community o ngayon ay kilala na rin sa tawag na LGBTQIA+, marami pa rin ang hindi sang-ayon sa pagpapakasal ng dalawang lalaki o dalawang babae.

Ngunit kamakailan lamang ay marami ang nagulat sa seremonyang ito sa Mexico kung saan ang isang alkalde ay nagpakasal sa kaniyang bride na buwaya? Hindi na ito bago sa maraming mga bansa sa iba’t-ibang panig ng mundo – mayroong mga nagpapakasal sa puno, sa hayop, at sa kung ano-ano pang mga bagay na hindi natin lubos akalain.

Ngunit ano nga kaya ang dahilan kung bakit pinakasalan ng isang alkalde ang isang buwaya? Sa maliit na bayan ng San Pedro Huamelula sa Oaxaca, Mexico ay sinuotan nila ng kulay puti na gown ang pitong taong gulang na buwaya.

Ang alkalde naman ay nakilala bilang si Victor Hugo Sosa. Ayon sa mga nauna nang ulat, ang pagpapakasal na naganap ay bahagi ng ritwal upang humingi ng kasaganahan ang mga tao sa kalikasan.

Ito ay isang sinaunang ritwal ng Chontal at Huave indigenous community sa Oaxaca.

“We ask nature for enough rain, for enough food, that we have fish in the river,” Pahayag ng alkalde.


Pahayag naman ng ninang sa kasal na si Elia Edith Aguilar: “It gives me so much happiness and makes me proud of my roots.”

Kung noon ay marami ang nagsasabing hindi ito dapat gawin, marami na rin ang nakakaunawa at nakakaintindi na mayroon talagang mga lahi na gumagawa nito para sa kanilang kultura at tradisyon. Kung kaya naman dapat din nating irespeto ang kanilang mga paniniwala gaano man ito kataliwas sa ating mga paniniwala hanggang sa ngayon.