Isang matapat na aso ang hindi umalis sa tabi ng kaniyang amo hanggang sa dumating ang mga paramedics!

Noon pa man ay marami na tayong nababalitaan na patungkol sa kabayanihan at pambihirang katapatan ng mga alagang aso. Talagang pinapatunayan nila na totoo ang kasabihang “Dogs are man’s best friend.”


Minsan pa ay mayroon na namang isang aso na nagpatotoo ng kasabihang ito. Ito ay isang aso na matatagpuan sa Argentina.

Siya ay nakilala bilang si Tony. Mababakas sa kaniyang hitsura kung paano siya nag-alala ng husto sa kaniyang amo nang maaksidente ito.


Ang kaniyang amo na nakilala naman bilang si Jesus Hueche ay nag-aayos at nagtatabas ng mga halaman sa kanilang hardin isang araw. Maya-maya pa ay bigla na lamang siyang nawalan ng balanse at nalaglag.


Tumama ang kaniyang ulo sa semento na naging dahilan upang mawalan siya ng malay. Nang makita ito ng kaniyang asong si Tony ay agad itong lumapit sa kaniya at niyakap ito.

Hindi rin siya umalis sa tabi ni Jesus hanggang sa makarating ang mga paramedics. Nagulat ngunit natuwa rin naman ang mga paramedics nang makita ang reaksyon na iyon ni Tony.


Nang isasakay na si Jesus sa ambulansiya ay hindi rin nagpaawat si Tony dahil sinubukan din nitong sumampa sa sasakyan. Hindi na rin naman humadlang ang mga paramedics at hinayaan na lamang nila si Tony.


Hindi naman nagtamo ng matinding pinsala si Jesus kung kaya nakalabas din siya agad ng ospital. Magkasama na silang muli ng alaga niyang si Tony.

Ayon kay Jesus, nakita nila sa lansangan si Tony noon na palaboy-laboy kung kaya naman inampon nila ito. Mula noon ay naging bahagi na siya ng kanilang pamilya.

At para may Jesus ay anak na ang turing niya kay Tony. Tunay nga na marami pa ring mabubuting tao ngayon na siyang nag-aalaga at nagmamahal sa mga hayop na inabandona sa lansangan ng mga tao na itinuring nilang pamilya.

Dahil sa kanila ay nabibigyan ng isa pang pagkakataon ang mga hayop na ito na makahanap ng pamilyang tatanggap at magmamahal sa kanila ng buong-buo.