Isang higanteng ipis na inaakalang “extinct” na 80 taon na ang nakararaan ay bigla na lamang natagpuan sa Australia!

Isang biology student mula sa University of Sydney sa Australia ang nakadiskubre ng isang higanteng ipis na ito. Talagang marami ang nagulat sa pagkakatuklas niyang ito.

Ito ay nabibilang sa lahi ng mga “wood-eating cockroach” na Panesthia lata. Ayon sa ilang mga ulat ay taong 1930s pa nang huling makakita ng mga ganitong uri ng ipis sa kanilang lugar.

Ang estudyanteng ito ay nakilala bilang si Maxim Adams. Natagpuan niya ito na nasa isang bato sa ilalim ng puno sa North Bay, Lord Howe Island, Australia.

Ang muling pagkakadiskubre sa lahi ng mga ipis na ito ay napakagandang balita para sa “scientific community”. Inakala ng marami na “extinct” na ang kanilang lahi ngunit hindi pala.

Dagdag pa ng ilang mga siyentipiko, nang dumami ang mga daga sa Lord Howe Island noong 1918 ay unti-unti na ring naglaho ang kanilang lahi.

“It’s amazing that this species is still alive as it has been more than 80 years since they were last seen. Lord Howe Island is truly an amazing place, it’s home to 1,600 species of native invertebrates, half of which can’t be found anywhere else in the world,” Komento ni Atticus Fleming na opisyal ng naturang isla.

Ang Australia ay mayroong 11 lahi ng mga Panesthia wood cockroach. Madalas makikita ang mga ito sa mga bundok kung saan kumakain sila ng mga nabubulok nang kahoy.


Sa kanilang mga malilit na bituka naman ay mayroong mga microorganisms na tumutulong upang matunaw ang mga “cellulose” sa kahoy na kanilang kinakain. Ipinaalala din ng mga siyentipiko na ang mga ganitong klase ng ipis ay mahalaga sa pagpapanatili ng balanse sa “ecosystem” ng isla dahil nakakatulong sila sa pag-decompose ng mga nabubulok nang kahoy.

Dahil din daw sa mga uri ng ipis na ito ay mas maraming mga hayop ang nagkakaroon ng pagkain sa gitna ng kagubatang ito.