Isang 83 taong gulang na lalaki, naging ama muli at dalangin ng mas mahabang buhay upang masilayan ang kaniyang anak na makapagtapos ng pag-aaral!

Tunay nga na hindi talaga natin masasabi ang buhay. Maaaring sa ngayon ay batid natin ang mga posibleng maganap o mangyari ngunit hindi pa rin tayo sigurado sa ating kinabukasan o hinaharap.

Tulad na lamang ng pambihirang karanasan ng isang doktor na ito mula sa Argentina. Sa edad kasing 83 taong gulang ay nabigyan pa siyang muli ng pagkakataon na maging isang ama.

Siya ay nakilala bilang si Doctor Alberto Cormillot. Kilala at talagang hinahangaan sa kanilang bayan ang Argentinian doctor. Marami na siyang naging kontribusyon sa kaniyang medikal na propesyon at sa kanilang komunidad.

Isa rin siyang “nutritionist” na mayroon nang ilang “obesity treatment institutions” na naitatag. Isa rin siyang “educationist” na nagtuturo ng malusog na pagkain sa pamamagitan ng social media.

Sa kaniyang Instagram account ay mayroon siyang 329,000 followers. Taong 2019 naman nang ibahagi niya sa publiko ang kasal nila ng kaniyang nobya na 48 taon ang agwat sa kaniyang edad.

Napangasawa niya ang kaniyang katrabaho na si Estefanía Pasquini makalipas ang pitong taong relasyon nila bilang magkasintahan. Makalipas lamang ang dalawang taon ay biniyayaan sila ng panganay nilang anak.


Noong una ay talagang maraming mga tao ang nagsasabing masyado na siyang matanda para maging amang muli ngunit hindi ito pinansin ng mag-asawa. Maligayang-maligaya sila sa biyayang natanggap nila sa katauhan ng kanilang anak.

Emilio ang pinangalan nila sa kanilang anak. Sa unang pamilya ng doktor ay mayroon na rin siyang dalawang mga anak, isang anak na babae at isang anak na lalaki.

Tunay ngang malaki raw ang pagbabago noong siya ay naging ama sa unang pagkakataon 50 taon na ang nakalilipas at ngayon na naging ama siyang muli sa anak nilang si Emilio. Noon raw ay uso pa ang lampin sa dalawa niyang mga anak na talagang lalabhan mo muna, patutuyuin at saka pa lamang maaaring magamit muli.

Sa ngayon ay marami nang mga uri at klase ng diapers na maaaring pagpilian at kung ano ano pang bagay o gamit ng baby na mas komportable nang gamitin kaysa noon.