Wala naman talagang hayop ang dapat na maghirap at masaktan pa, wala kahit isa sa kahit ano pang kadahilanan. Maraming mga hayop sa ngayon ang hindi na nakakakain pa ng maayos, inaabuso, pinababayaan, at tuluyang inaabandona ng kanilang mga amo.
Nakakalungkot din malaman na kahit maliliit pa lamang sila ay nasa lansangan na sila nakatira na hindi alintana ang nakakatakot at mapanganib na kapaligiran. Ganito ang buhay ng pusa na si Barnaby.
Halos 15 taon din siyang nagpalaboy-laboy sa New Jersey. Kung sa edad nating mga tao, sa kaniyang edad ay isa na siyang “senior citizen”.
Sa edad niyang ito ay walang gaanong tao ang nagnanais na tulungan siya. Buti na lamang at mayroong mabubuting taong nakakita at nagligtas sa kaniya.
Dinala siya ng mga ito sa “Voorheeṣ Animal Orphanage”. Hindi naman din nagtagal at napansin ng mga staff sa shelter kung gaano kalambing ang pusang ito.
“This super affectionate fellow shouldn’t be spending his golden years in the shelter,” Pahayag ng mga staff sa animal shelter.
Dito na nila siya binigyan ng pangalang Barnaby. Talaga namang mapapamahal ka agad sa kaniya kung bubuksan mo lamang ang iyong puso para sa kaawa-awang pusa.
Nakakalungkot lamang dahil sa kaniyang edad ay tila walang nagnanais na siya ay ampunin. Madalas kasing bata ang inaampon na hayop ng mga gustong mag-alaga ng pusa o aso.
Ngunit hindi pa rin nawalan ng pag-asa ang mga staff ng naturang animal shelter. Ibinahagi nila sa Facebook ang kwento ni Barnaby.
Dahilan upang makita ito ng mag-asawang Dr. Ed Sheehan at Clare Sheehan. Ayon sa mag-asawa, nang nakita nila ang larawan at kondisyon ni Barnaby ay talagang napagkasunduan na nilang ampunin siya upang maalagaan at matutukan din ang kaniyang kalusugan.
“When we saw his picture on Facebook we felt that he really needed lots of vet care just on his age and appearance. Well, what was better than being adopted by a vet?” Pahayag ni Clare.