14 na mga nars sa isang ospital sa Missouri, sabay-sabay na nagdalang-tao!

Marami ang nagulat sa balitang ito kung saan 14 na mga nars sa iisang hospital department ang talagang sabay-sabay na nagbuntis! Ito ay naganap sa Saint Luke’s East Hospital sa Kansas City, Missouri at bago pa man matapos ang taon ay inaasahang manganganak ang 14 na mga nars na ito.

Ibinahagi pa nga nila ang ilang mga larawan ng mga buntis na nars na ito online na talagang nagpabilib at nagpamangha sa publiko. Si Caitlin Hall ang kauna-unahang nabuntis sa kanilang lahat ngunit nagdesisyon itong itago muna ang kaniyang pagbubuntis sa kaniyang mga kasamahan dahil sa ito ang una niyang anak.

Nasa ika-12 linggo na siya ng kaniyang pagbubuntis nang ipaalam niya ito sa kaniyang mga kasamahan sa trabaho. Hindi niya inaasahan na maging ang ilan pa sa kaniyang mga kasamahan ay nagdadalang-tao na rin!

“I thought I was the only one that was trying to get pregnant. It was my first pregnancy, so I was trying to keep quiet until about 12 weeks, but other people started announcing, so I told everyone as well.” Pahayag ni Hall.
Laking gulat niya dahil tuwing ikalawang linggo ay mayroong isa o iilan sa kaniyang mga kapwa nars ang nagsasabing maging sila ay buntis na rin. Hanggang sa naging 14 na nga silang lahat. Hunyo 3 nang nanganak si Caitlin.

“We have such a different perspective as OB nurses, so to be able to experience this all together has been such a relief but also really exciting to go through this season together,” pahayag naman ng registered NICU nurse na si Ellie Kongs na inaasahang manganganak sa buwan ng Oktubre.

Marami din sa mga hospital staff ang talagang nagagalak sa balitang ito. Hindi na rin daw sila makapaghintay pa na masilayan ang mga bagong silang na sanggol ng kanilang 14 na mga nars sa naturang ospital.