Marami na tayong nasaksihan na mga tagumpay ng mga minamahal at iniidolo nating artista mula sa naging pagsisimula ng kanilang karera hanggang sa kanilang paglagay sa tahimik at ang tuluyang paglisan nila sa mundo ng show business.

Ilan nga sa kanila ay patuloy pa rin nating napapanuod sa ilang mga programa sa telebisyon at ilang mga pelikula. Habang mayroon namang ilan na naging masaya na at kuntento sa tahimik nilang pamumuhay.

Si Dino Guevarra ang isa sa pinakahinahangaang aktor ng kaniyang henerasyon noong ‘90s. Siya ay naging parte ng teen-oriented series noon na TGIS o “Thank God It’s Sabado” noong 1997. Ilan pa sa mga sikat na artista na kaniyang nakasama sa nasabing programa ay sina Angelu De Leon, Onemig Bondoc, Michael Flores, Red Sternberg, Bobby Andrews at marami pang iba.


Ang programang TGIS ay tungkol sa grupo ng magkakaibigan, ang kanilang mga paglalakbay, karanasan, at mga pagba-bonding bilang isang barkada. Ang aktor na si Dino ay kabilang sa ikalawang batch na nagsimula noong kalagitnaan ng taong 1998. Nakilala din si Dino bilang kapareha ng isa pang mahusay na aktres na si Kim Delos Santos. Hindi nagtagal at naging matamis na pagtitinginan ang kanilang naging pagkakaibigan noon.

Ikinasal din sila makalipas ang ilang mga taon ngunit napagdesisyunan din nilang maghiwalay taong 2003. Mayroong ilang mga balita na ang kanilang paghihiwalay ay dahil sa naging pananakit ng aktor. Taong 2008 nang mag-file ng annulment ang aktor at taong 2010 naman nang maging opisyal ito.

Sa ngayon ay masaya na ang aktor kasama ang kaniyang mahal na asawa na si Karen Gabriel at ang kanilang dalawang mga anak na sina Joaquin at Anika. Masaya na sila ngayon ay mayroon pribadong buhay. Ayon pa sa ilang mga ulat ay nagkaroon din siya ng dalawa pang mga anak sa dati niyang nobya na sina Ethan at Miguel.