Isang pusang sosyal kung kumain na parang isang tao, kinagigiliwan ngayon ng publiko!

Marami sa ating mga Pilipino ang mayroong alagang hayop sa bahay. Hindi tulad sa mga banyagang bansa, mas marami sa atin ang nakakapag-alaga ng mga aso, pusa, ibon, at iba pang mga hayop mahirap man o mayaman ang estado natin sa buhay.

Kadalasan kasing napapamahal na talaga tayo sa mga ito dahil sa napaka-cute nila o di kaya naman ay talagang nakakasama natin sila at nagbibigay kasiyahan sila sa atin. Kamakailan lamang ay isa na namang pusa ang nagpangiti sa maraming mga netizens.

Napakasosyal naman kasing kumaing ng cute na pusang ito na nakilala ng publiko bilang si Tui-tui. Kapansin-pansin sa video na ibinahagi ng kaniyang amo na si Mary Jean Maribao na kumakain ito nang nakakamay.

Para bang isang tao kung ito ay kumain kung kaya naman talagang napansin siya agad ng maraming mga netizens. Kung maraming mga hayop ang makikita nating kumakain gamit ang kanilang bibig, para kay Tui-tui ay talagang inuunti-unti niya pa ito at talagang kinakamay.

Akala nga rin ng maraming mga netizens na tinatamad umupo ang pusa habang siya ay kumakain ngunit siya pala ay mayroong isang kondisyon kung saan hindi na niya kaya pang tumayo o umupo gamit ang ibabang bahagi ng kaniyang katawan. Marami ang naawa at talagang naantig sa kalagayan niyang ito ngunit mas marami din naman ang humanga sa kaniya dahil sa kabila ng kaniyang kalagayan ay hindi ito matamlay.


Talagang bibong-bibo raw ito ayon sa kaniyang amo. Ang sikat niyang video habang kumakain ay mayroon na ngang higit sa 90,000 na mga shares at higit sa 20,000 na mga komento.

Tunay nga na nakakabawas ng kalungkutan ang mga alaga nating hayop. Sila rin ang madalas nating nakakasama sa bahay lalo na kung ang ating mga mahal sa buhay ay abala na sa kanilang mga trabaho at eskwela.

Kung kaya naman hindi rin natin masisisi ang ilan sa ating mga mahal sa buhay kung bakit giliw na giliw sila sa kanilang mga alagang hayop.