Hindi nagmimintis ang aso na ito na magtungo sa isang tindahan gabi-gabi para sa libreng makakain. Halos isang buong taon din siyang walang palya sa pagpunta sa tindahang ito kung saan pasensyoso siyang naghihintay sa labas ng kanilang pintuan.
Batid niya kasing sa oras na makita siya ng staff roon ay agad siyang bibigyan ng libreng pagkain. “Subway Sally” ang tawag sa aso na ito na talaga namang napaka-bait kung ilarawan ng mga tao roon.
Isa nga sa mga staff ng naturang establisyemento ang nagbahagi ng video na ito ni Subway Sally na nagkaroon na ng higit sa 21 milyong views sa Tiktok. Ayon din sa staff, kapag wala raw nagbibigay ng pagkain kay Subway Sally ay agad din naman daw itong tumatawid sa isa pang establisyemento kung saan binibigyan din siya ng makakain.
“If we’re too late to give her food, she’ll go across the street to Taco Bell,” Pagbabahagi ni Kxnuko, isang Subway staff member.
Maraming mga netizens din ang nagsasabi na masyadong malinis ang aso na ito upang ilarawan bilang isang asong kalye ngunit paglilinaw ng mga staff na sadyang mababait lamang ang mga taong nasa paligid nito kung kaya naman talagang napagmamalasakitan pa ng nakararami ang asong si Subway Sally. Ilang beses na rin daw na na-rescue noon si Subway Sally ngunit palagi rin naman daw itong nakakatakas at nakakagawa ng paraan upang makabalik sa kanilang lugar.
“Multiple people have tried taking her but she never wants to go. I suspect she has a regular place to sleep and possibly care for her puppies.” Pahayag pa ng naturang staff.
Tunay nga na bahagi na ng komunidad nila ang turing nila kay Sally. Mapalad siya at maraming mga tao ang nagmamalasakit sa kaniya sa kanilang komunidad at maging sa kaniyang apat na mga maliliit pang tuta na kasama niya rin sa lugar kung saan siya namamalagi.