Walang pondo na magamit ang isang guro na ito para sa kaniyang mga estudyante kung kaya naman ang mga kalat at mga hindi na ginagamit na bagay sa kanilang paaralan ay inayos niya at pinaganda upang maging “reading corner” ng mga bata!

Noon pa man ay mahirap na hamon na para sa mga guro ang kuhanin ang atensyon ng kanilang mga estudyante sa klase. Mayroon pa ngang iilang estudyante na hindi talaga pumapasok dahil lamang sa maling katwirang nila na nakakainip o boring sa paaralan.

Sa paglipas ng panahon, dumarami na ngayon ang mga guro na talagang nakakagawa ng paraan upang mapanatiling interesado ang mga bata sa pag-aaral. Nabalitaan na natin ang ilang sa kanila na nagbibihis pa bilang mga sikat na karakter sa pelikula o sa libro.

Mayroon din namang gumagamit ng mga nakakatuwa at nakakaengganyong laro habang ang iba ay talagang naglalaan ng oras na pagandahin ang kanilang mga silid-aralan upang mas maging komportable ang mga estudyante at mas magkaroon sila ng interes na mag-aral ng mabuti. Isang guro mula sa Cotabato ang talaga namang hinangaan ng publiko dahil sa kaniyang dedikasyon at pagmamahal sa kaniyang mga estudyante.

Siya na kasi mismo ang gumawa ng paraan upang mas maging maganda at kaaya-aya ang kanilang silid-aralan. Ngunit hindi tulad ng ibang mga guro na nakakakuha pa ng pondo sa paaralan o nakakagawa pa ng paraan upang magkaroon ng ilang mga sponsor, ang teacher na si Reynel Calmerin na mismo ang gumawa ng paraan upang maisakatuparan niya ang plano niyang ito.


Napansin niyang napakaraming sirang silya ng kanilang paaralan na nakaimbak lamang at nakakalat rito. Mayroon ding ilang mga lababo na maaari pa niyang magamit at mas magawang kapaki-pakinabang.

Nagamit niya pa ang mga kahoy mula sa mga sirang upuan upang mapaganda ang kanilang “reading corner”. Pininturahan niya din ito ng makulay. Talaga namang marami ang natuwa sa kinalabasan ng ginawa niyang proyekto.

Hindi lamang para sa kaniyang mga mag-aaral kundi naging inspirasyon din ito sa maraming mga netizens. Pinatunayan niya kasi na hindi hadlang ang kawalan ng pondo upang magawa niyang matulungan ang kaniyang mga estudyante na mas magkaroon ng interes sa pag-aaral.