Video ng isang elepante na gumagamit ng kaniyang “trunk” para magtapon ng kalat sa basurahan, pumukaw sa atensyon ng publiko!

Pumukaw sa atensyon ng maraming mga netizens ang video na ito ng isang elepante na nagtatapon ng kalat sa isang basurahan gamit lamang ang kaniyang “trunk”! Ang naturang video ay kuha mismo sa Greater Kruger National Park.

Mapapansin sa video na naglalakad-lakad lamang ang elepante nang makakita ito ng dalawang mga lata na nakakalat sa daan. Hindi naman nagdalawang-isip ang hayop na ito na itapon ng maayos ang mga latang nakita niyang nakakalat.

Maayos at mabilis niyang naitapon ang unang lata sa basurahan ngunit medyo nahirapan naman siya sa pagkuha sa ikalawang lata. Sadyang napakatalino ng elepante na ito dahil ginamit pa niya ang isa niyang paa upang makuha niya ng maayos ang ikalawang lata.

Ngunit sa kasamaang-palad ay hindi siya agad na nagtagumpay. Hindi ito sumuko at inulit pa niya ang kaniyang ginawa gamit ang kaniyang paa at “trunk”.

Sa wakas ay nagawa na niyang maitapon ito sa basurahan. Nang maitapon na niya ang dalawang lata ay lilinga-linga pa ito na tila naghahanap pa nga ng ibang mga kalat na malilinis at maliligpit niya.

Nang mapagtanto niyang wala nang iba pang kalat ay umalis na siya at nagtungo sa kaniyang pupuntahan. Tunay nga na marami na rin sa atin ang nagiging pabaya pagdating sa atin mismong mga kalat at basura.

Sana ay magsilbing aral na rin ito para sa atin na kung kaya ng elepanteng ito na maging malinis sa kaniyang paligid ay tiyak na magagawa rin natin ito bilang mga responsableng indibidwal. Huwag din nating kaligtaan na paalalahanan ang ating mga kaanak, kaibigan, lalong-lalo na ang mga kabataan ngayon kung gaano kahalaga ang kalinisan.

Hindi lamang ito mahalaga para sa ating planeta, sa mga hayop at halaman kundi lalo na para sa bawat isa sa atin. Pakatandaan sana natin na ang ating planeta ay iisa lamang, sa napakaraming taon na nagdaan ay marami na ring naimbento at nagawa ang mga tao upang magdulot ng polusyon at pagkasira rito.

Kung kaya naman talagang panahon na upang gawin natin ang ating parte upang mas maingatan pa ang mundo na ating tinitirhan.