Sulat-kamay na thesis ng isang engineer, labis na nagpamangha sa maraming mga netizens!

Madalas ay nakakaligtaan na nating pahalagahan ang maraming mga bagay na tinatangkilik natin. Marahil ay nasanay na rin tayo na palagi itong naririyan lamang, “available” at “easy access” wika nga ng iba.

Hindi lamang ito patungkol sa mga bagay kundi maging sa mga taong palaging naririyan para sa atin. Sa oras na mawala ang mga ito, tiyak na manghihinayang tayo.

Sa modernong panahon ngayon, marami na tayong tinatamasang mga bagay na noon ay hindi natatamasa ng karamihan. Halimbawa na lamang ang modernong teknolohiya sa ngayon kung saan mas napapadali ang maraming mga bagay.

Kamakailan lamang ay marami ang bumilib at namangha sa ama ng netizen na si Randel Tablada dahil sa ginawa nitong thesis na talagang sulat-kamay lamang! Sa ngayon, sanay na tayong gawin ang mga ganito sa mga laptop o computer natin ngunit noon pala ay sulat-kamay talaga ang ginagawa nila sa kanilang mga thesis!

Ang nakakamanghang engineer ay walang iba kundi si Engr. Almar D. Tablada. Taong 1982 pa ang naturang thesis ngunit kapansin-pansin na naalagaan ito ng husto.

Sa ngayon ay nagtatrabaho ang 57 taong gulang na engineer sa Bureau of Equipment of the Department of Public Works and Highways. Ibinahagi din niya na noon ay talagang tinatapos niya ang thesis niyang ito mula alas-10 nang gabi hanggang alas-dos ng madaling araw.


Bagamat isa lamang daw ang naibahagi ng kaniyang anak na larawan ng kaniyang thesis, inamin nitong dalawa talaga ang mga thesis na natapos niya noon. Ang ibinahagi ng kaniyang anak sa social media ay ang “coal fired thermal power plant” habang ang isa naman ay ang pinagsamang “diesel electric power plant and hydroelectric power plant”.

Tunay nga na kakailanganin mo ng matinding pasensiya at pagtitiyaga upang matapos ang hindi lamang isa ngunit dalawang mga thesis na ito. Patunay din ito na kung gugustuhin pala natin ay talagang magagawa natin ang mga bagay na inaakala nating mahirap o imposible.