Spongebob Squarepants at kaibigan nitong si Patrick sa tunay na buhay, nakuhanan ng larawan sa ilalim ng dagat?

Nitong mga nagdaang panahon, marami na ring mga sumikat at nakilala na artista at iba pang mga karakter. Talaga namang nakakabangon na rin muli ang industriya na noon ay labis na ginapi ng pandemya.

Bata pa lamang tayo, hilig na ng marami sa atin ang panunuod ng mga cartoons, anime, pelikula, at marami pang iba. Ito ay nagiging bahagi na rin ng ating kabataan at nagsisilbing magandang alaala sa ating lahat.

Kamakailan lamang, marami ang natuwa nang mayroong larawan na kumalat kung saan makikita ang real-life Spongebob Squarepants at kaibigan nitong si Patrick sa ilalim ng karagatan. Ayon sa mga nauna nang ulat, nakunan ng larawan sina Spongebob at Patrick sa kalagitnaan ng operasyon ng Okeanos Explorer research ship na nasa pamamahala ng National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA).

Ayon naman kay Christopher Mah, isang research associate sa National Museum of Natural History at partner ng NOAA, nakasilip siya ng mga oras na iyon sa kanilang camera feed nang mayroon siyang mapansing kulay dilaw na sponge at kulay pink na sea star. Malapit ang mga ito sa isa’t-isa kung kaya naman agad niyang naisip ang tambalang Spongebob at Patrick.

“I normally avoid these [references], but WOW. REAL LIFE Sponge bob and Patrick!” Tweet ni Mah.


Sa tunay na buhay, hindi talaga maaaring maging matalik na magkaibigan sina Spongebob Squarepants at Patrick dahil sa kinakain talaga ng mga sea star ang mga sponge. Taliwas ito sa napapanuod natin sa sikat na palabas.

“In all likelihood, the reason that starfish is right next to that sponge is because that sponge is just about to be devoured, at least in part. The reality is a little crueler than perhaps a cartoon would suggest.” Dagdag pa ni Mah.

Tunay nga na nakakatuwang makakita ng ganitong klase ng mga larawan na kadalasan ay sa telebisyon lamang natin nakikita.