Siyam na taong gulang na bata, nagtatanim ng sarili nilang mga prutas at gulay sa loob ng 4 na taon at nakapagtayo na rin ng 11 “wooden houses” para sa mga taong walang tahanan sa kanilang lugar!

Bilang isang bata, madalas ay nakikita natin sila na masayang naglalaro kasama ang kanilang mga kaibigan o di kaya naman ay kasama ang kanilang mga magulang sa mall at iba pang pasyalan. Ngunit para sa siyam na taong gulang na si Hailey Ford, wala siyang ibang gusto kundi ang makatulong sa mga taong kapus-palad.

Sa edad na limang taong gulang ay nakilala niya si Billy nang minsang magkasama sila ng kaniyang ina. Apat na araw nang hindi kumakain si Billy ng mga oras na iyon kung kaya naman talagang ninais ni Hailey na mabilhan man lamang ito kahit isang tinapay na agad namang sinang-ayunan ng kaniyang ina.

Dumalas pa ang mga ganitong pagkakataon kung kaya naman minabuti na ng nanay ni Hailey na kausapin siya at sabihing hindi nila kayang tulungan ang lahat ng mga taong nakikita nila sa lansangan dahil sa hindi naman sila mayaman. Nalungkot at talagang naging emosyonal si Hailey noon ngunit hindi ito naging dahilan upang siya ay tumigil at sumuko na.

Nagdesisyon siya na siya na mismo ang magtatanim ng mga prutas at gulay na ipamamahagi niya sa mga taong ito. Sinuportahan at tinulungan naman siya ng kaniyang pamilya.
Sa tuwing matatapos siya sa kaniyang mga takdang-aralin sa eskwela ay nag-aaral naman siya ng libro patungkol sa pagtatanim. Kung may mga salita o pamamaraan siyang hindi naiintindihan ay kumukonsulta siya kaagad sa kaniyang lolo.

Ipinayo din ng kaniyang lolo na dapat ay maglagay siya ng “fence” sa kaniyang munting hardin upang hindi ito masira o kainin ng iba pang mga hayop sa kanilang lugar. Hindi nagtagal ay namunga na ng husto ang kaniyang mga pananim dahilan upang makapagbigay siya ng carrot, patatas, soybean, pipino, kamatis, broccoli, strawberries, lettuce at marami pang iba.

Marami nang nakaalam ng ginagawang ito ni Hailey kung kaya naman nagdesisyon na rin ang ilan pang mga kapitbahay nila na tumulong sa kaniya. Hindi nagtagal at mas marami nang tao ang tumutulong kay Hailey upang makatulong din sa iba.

Nakagawa na rin siya ng 11 mga wooden houses para sa ilang mga taong walang tahanan sa kanilanga lugar, gamit lamang ang mga materyales na kaniyang binili. Talaga namang nakakamangha ang mabuting puso ni Hailey hindi ba?