Pinilit ng fur parent na ito na pumayat ang alaga niyang pusa ngunit makalipas ang dalawang buwan na extra strolling nila ay mas tumaba pa ito sa halip na mabawasan ng timbang!

Tiyak na marami ang makaka-relate patungkol sa pagiging isang mabuting fur parent. Sa paglipas ng panahon ay marami na rin talagang mga Pilipino ang nahihilig sa pag-aalaga ng mga hayop.

Lalong-lalo na ang mga imported breed ng pusa at aso na madalas ay nakikita nating alaga rin ng mga paborito nating artista. Dahil sa hilig nating ito sa pag-aalaga ng mga hayop ay hindi natin namamalayang gumagastos na rin pala tayo ng higit pa sa ating inaasahan.

Kung magkakaroon ka kasi ng isang imported breed ng pet, hindi basta-bastang pagkain at bitamina ang dapat mong ibigay dito. Marami din sa kanila ang nangangailangan ng mas malamig na kwarto upang maging komportable sila.

Dahil sa madalas na mainit at maalinsangan sa Pinas ay tiyak na tataas ang electric bill ninyo lalo na sa panahon ng Summer kung kailan talagang napakatindi ng init sa bansa. Marami din ang nagsasabi na kung mag-aalaga ka ng mga ganitong klase ng hayop ay para ka na ring nag-alaga ng iyong anak.

Kamakailan lamang ay marami ang natuwa sa napakacute na pusang ito na nakilala bilang si Little P. Siya ay isang taong gulang na ngunit ang kaniyang katawan ay tila 3 hanggang 4 na buwang gulang pa lamang.

Kapansin-pansin din ang kaniyang malaking tiyan! Isang maliit na pusa lamang siya ngunit ang kaniyang timbang ay 7 kilo na. Ang kaniyang tiyan ay madalas na sumasayad na rin sa lupa dahil sa sobrang kalakihan nito.

Dahil dito ay nagdesisyon na ang kaniyang amo na isailalim siya sa isang 2 month slimming program. Maliban sa extra strolling nilang ito sa loob ng dalawang buwan ay binawasan na rin niya ang pagkain ni Little P sa loob ng isang araw.

Ngunit makalipas ang dalawang buwan ay hindi naman nabawasan ang timbang nito bagkus ay mas nadagdagan pa nga! Mas lalo siyang lumobo at bumigat.

Sa tuwing maglalakad at mag-eehersisyo kasi si Little P ay kaagad din itong tumitigil at namamahinga. Hilig din niya ang kumain at matulog araw-araw.