Pinakamalaking gold nugget na natagpuan sa Alaska!

Kapag kayamanan ang pinag-uusapan, hindi maaaring mawala sa paksa ang mga ginto at iba pang mamahaling bato na hanggang sa mga panahong ito ay patuloy pa ring nagpapayaman sa nakararami. Talaga namang kayang baguhin ng mga batong ito ang iyong buhay kahit na isa lamang o maliit lamang ang iyong matagpuan.

Ang pinakamalaking gold nugget na nadiskubre sa Alaska ay tinawag nilang “Alaska Centennial Nugget”. Ito ay may timbang na 294.10 troy ounces o katumbas ng 9.14 kilograms, 20.16 pounds.

Ito ay natagpuan malapit sa bayan ng Ruby, Alaska noong 1998. Si Barry Clay mismo ang nakakita ng gold nugget na ito habang siya ay nagtatrabaho at nagpapaandar ng isang bulldozer.

Lumabas siya mula rito ay saka tiningnan kung ano ang bagay na iyon na kaniyang nakita. Nang masilayan niya nga iyon ay nagulat siya dahil isang dambuhalang gold nugget ang kaniyang nahukay.

Pansamantala ay ibinaon na niya muna sa ilalim ng isang puno ang naturang gold nugget hanggang sa makaisip siya ng paraan kung paano ang gagawin niya rito. Nang ipinasuri na niya ito ay nalaman niya ito na pala ang pinakamalaking gold nugget na natagpuan sa Alaska at ang ikalawa sa pinakamalaking natagpuan nila sa Western Hemisphere sumunod sa “Boot of Cortez” na nadiskubre naman sa Mexico.


Tinagurian itong “Centennial nugget” dahil ito ay natagpuan sa ika-100th anniversary ng “Klondike Gold Rush”. Ang Alaska ang may pinakamalaking operasyon ng pagmimina kumpara sa iba pang bayan.

Ito ay dahila na rin sa maluluwag na batas patungkol sa pagmimina. Noon pa man ay kilala na rin ang Alaska sa pagkakaroon ng maraming malalaking gold nuggets.


Kung ikukumpara ang Alaska sa California at Nevada ay hindi ganoon kalaki ang produksyon nila ng ginto ngunit kung malalaking gold nuggets lang naman ang pag-uusapan, Alaska ang pinakamainam na lugar sa buong Estados Unidos.