Naramdaman ng gorilya na ito na ang kaniyang tagapag-alaga ay may dinaramdam kung kaya naman niyakap na ito upang mapangiti ito!

Marahil ay naranasan na rin ninyo ang pagkakaroon ng isang malungkot na araw. Yung tipong nais mong maging masaya at maging maayos ang buong araw mo ngunit hindi ito mangyari dahil sa iyong iniisip o dinaramdam.

Madalas ang kailangan lang pala natin ay isang kaibigan – isang kaibigan na makikinig sa atin o di kaya naman ay magbibigay sa atin ng isang malaking yakap upang maramdaman natin na hindi tayo nag-iisa. Tulad na lamang halimbawa ng isang gorilya na ito na tila ba ramdam ang kalungkutan ng kaniyang caretaker.

Si Matthieu ay isang caretaker sa Senkwekwe rescue center sa “Democratic Republic of the Congo”. Ito lamang ang kaisa-isang pasilidad na nag-aalaga at kumakalinga sa mga gorilya na inulila na ng kanilang mga magulang.

Karamihan sa mga hayop dito ay biktima ng mga ilegal na nagbebenta ng mga hayop habang ang iba naman ay nasaksihan mismo ang pagkakasawi ng kanilang mga kaanak na gorilya. Isa sa mga nailigtas nilang gorilya ay si Matabishi.

Si Matabishi ay lumaki na sa pangangalaga ni Matthieu. Kung kaya naman isang ama at isang kaibigan na ang turing niya rito.


Isang araw ay tila napansin ni Matabashi na matamlay at malungkot si Matthieu kung kaya naman agad niya itong nilapitan, tinabihan na tila ba nagtatanong kung ano ang gumugulo sa kaniyang isipan. Maya maya pa ay tumayo na si Matthieu at ito ang naging hudyat para kay Matabishi na siya ay yakapin.

Nagulat si Matthieu sa ginawa ng kaniyang kaibigang gorilya ngunit ikinatuwa rin naman niya ang ipinamalas nitong pagmamalasakit sa kaniya. Ayon naman kay Nelis Wolmarans, isang South African wildlife photographer, ang mga mountain gorillas sa naturang rescue center ay talagang nagiging malapit sa mga tagapag-alaga nila kung kaya naman hindi na rin nakapagtataka ang ginawang ito ni Matabishi para kay Matthieu upang kahit papaano ay maramdaman nitong hindi siya nag-iisa.