Nakalimutan ng babae na ito ang lahat tungkol sa kaniyang fiance bago pa man sila ikasal. Naghintay ng 8 taon ang fiance sa pagbabakasakaling maalala siya ng kaniyang minamahal!

Isang tipikal na magkasintahan lamang sina Hisashi Nishizawa at Mai Nakahara. Ipinakilala sila sa isa’t-isa ng kanilang mga kaibigan at kalaunan ay nagkamabutihan na rin sila.

Sa loob ng dalawang taon ay talagang nagawa nilang gawin ang tipikal na ginagawa ng mga magkarelasyon. Nagde-date sila nang madalas, magkasama at talagang kinikilala ang isa’t-isa.

Dumating ang araw na talaga namang pinakaaabangan ng kanilang mga malalapit na kaibigan at kaanak. Nag-alok na nga ng kasal si Nishizawa na agad din namang tinanggap ni Mai at sinagot ng matamis niyang oo.

Napagdesisyunan nilang idaos ang kanilang kasal sa “Averiru State Guest House” sa Okayama sa loob ng anim na buwan. Wala namang naging problema at talagang naging maayos ang paghahanda nila sa kanilang kasal.


Habang abala sila sa iba pang detalye ng kanilang kasal, bigla na lamang tumingin ng kakaiba si Mai. Nagtaka din naman si Nishizawa sa kinilos ng kaniyang fiancée hanggang sa marinig niya itong magsalita at tanungin kung sino siya!

Gulat na gulat si Nishizawa sa pangyayaring ito hanggang sa naulit pa ito ng naulit. Madalas din ay sumisigaw at nagwawala na lamang si Mai dahil hindi niya maalala ang kaniyang mga kaibigan at kaanak.

Dahil sa labis na pag-aalala sa kaniyang mapapangasawa ay agad niya itong dinala sa ospital. Ngunit walang makitang sakit ang mga doktor kay Mai.

Matapos ang pagpapakonsulta nila ay kinailangang i-admit sa ospital ni Mai ng tatlong araw kung saan bigla na lamang huminto ang pagtibok ng kaniyang puso at na-coma ito. Sa kabila nito ay hindi siya sinukuan ni Nishizawa at talagang inaalagaan niya ito sa kabila ng hirap at pagod niya.

Kalaunan ay natuklasan nilang nagkaroon na pala ng komplikasyon sa utak si Mai dahil sa kaniyang ovarian tumor. Kahit na sumailalim sa surgery ay wala pa ring kasiguraduhan na magiging maayos ang kaniyang kalagayan.

Sumugal pa rin sila at itinuloy ang operasyon. Dahil dito ay mas nawala ang mga alaala ni Mai kasama na rin ang lahat ng alaala niya kay Nishizawa.

Hindi naman siya napagod at hindi sumuko hanggang makalipas ang 8 taon ay natuloy din ang kanilang kasal kahit na hindi na bumalik pa ang alaala ni Mai.