Nakababatang kapatid, hindi nagdalawang-isip na tulungan ang kaniyang ate upang magkaroon ito ng magandang susuotin para sa kaniyang nalalapit na prom!

Ang “Prom” ay isang importanteng bahagi ng hayskul para sa maraming mga kabataan. Kadalasang sumisimbolo ito sa pagiging dalaga at binata ng mga estudyanteng nasa hayskul na.

Maraming mga nakakaexcite na bagay ang talagang pinaghahandaan ng mga estudyante pagdating sa prom ngunit isa na marahil dito ay ang paghahanap nila ng magandang damit na susuotin nila sa araw na ito. Nag-iisip at naghahanap na ng kaniyang susuoting prom dress si Mikayla Lewis nang mag-boluntaryo ang nakababata niyang kapatid na si Courtney, 14 na taong gulang na siya ay tulungan.

Siya ay nag-aaral ng “technical design and production” sa Duke Ellington School of the Arts sa Washington, D.C. Kahit mayroon siyang kaalaman sa larangan na ito ay wala siyang karanasan na tumahi ng isang “full-length dress”.

Noong una raw ay ayaw pang pumayag ni Mikayla dahil batid niyang nag-aaral pa lamang ang kaniyang kapatid ngunit kalaunan ay pumayag na rin siya dahil ayaw naman niyang sumama ang loob nito sa kaniya.

“I don’t want to be mean and say no, so I’m going to say yes. But I will have a back-up plan of buying the dress,” Pahayag ni Mikayla.

Ang nanay nilang si Crystal ay mayroong kaibigan na nagmamay-ari ng isang clothing store. Humingi sila ng tulong dito na hindi naman niya hinindian. Si Mikayla mismo ang tumulong upang makahanap sila ng magandang tela at pagkatapos nga ng halos limang buwan ay nagawa rin nilang mag-disenyo, magtahi, at pagsama-samahin ang lahat ng mga kakailanganin para sa kaniyang prom dress.

Nang isukat na ito ni Mikayla ay hindi siya makapaniwala dahil talagang napakaganda nito!

“I saw her in the dress and, honestly, I thought that I was going to cry a little bit. Because I was like, this is what I made,” pahayag naman ni Courtney.

Talaga namang nakakatuwang makita ang pagtutulungan at pagmamalasakitan ng magkapatid na ito para sa isa’t-isa.