Masipag na mag-asawa, bumili ng 2.3 ektaryang lupain sa Batangas na ginawan nila ng 4 na villas na nagmula ang disensyo sa kulturang Pilipino!

Napakasarap sa pakiramdam na makita mo ang mga bagay na iyong pinagpagalan ng mahabang panahon. Tulad na lamang ng naipundar na farm nina Mary Yvonne “Ybonita” Mangrobang Cuanan at ng kaniyang mister.

Nakabili kasi sila ng 2.3 ektaryang lupain sa Calatagan, Batangas na kalaunan ay pinatayuan nila ng 4 na mga villas na hango ang disenyo sa kulturang Pilipino. Ang mala-paraisong farm nila ay matatagpuan sa Barangay Santa Anna, Calatagan Batangas.

Tinawag nila itong Ybonita farm na hango sa palayaw ng may-ari. Noong una ay retirement home lamang ang gusto ng mag-asawa ngunit dahil sa ninais din nilang bigyan ng sariling matutuluyan ang kanilang mga anak sa tuwing nagbabakasyon ang mga ito ay binili nila ang kalapit na lupa ng kanilang lolo.

Hindi nagtagal at nagdesisyon silang patayuan ito ng 4 na mga villas para sa kanilang mga anak. Hinango nila ang disensyo sa kultura nating mga Pilipino. Dahil sa naging malaki na ang kanilang mga bayarin sa kuryente, tubig, at iba pang pinagkakagastusan nila sa kanilang farm ay napagdesisyunan nilang paupahan na lamang ito sa mga turista.

Talaga namang napakaganda ng mga villas nilang ito at patok na patok sa maraming mga parokyano nila. Una na riyan ang “Coconino Villa” na maaaring tuluyan ng dalawang katao.
Tinatawag din nila itong “honeymoon villa” na mayroong isang queen size bed sa loob at high ceiling na disenyo. Halos lahat ng materyales dito ay mula sa puno ng niyog kung kaya naman Coconino Villa ang pinangalan nila dito.

Ang ikalawang villa naman ay ang Ypugo Villa na isang Ifugao-inspired villa. Mayroon itong dalawang palapag, mayroong lanai area, at sariling palikuran.

Kumpleto rin ang mga gamit rito. Gayundin naman ang ikatlong villa na Caceres Villa kung tawagin. Spanish-inspired naman ang villa na ito na mayroong dalawang queen size bed, telebisyon, water dispenser, bar fridge at 2-way radio.

Ang huling villa naman nila ay ang Yvatan Villa na hango sa mga bahay sa Batanes. Ito ang pinakamalaking villa nila na kasya ang isang malaking pamilya.

Dalawang palapag ito at mayroong mga kwarto sa itaas at sa ibaba. Sakto rin ang maluwag nilang lanai area sa mga “family gatherings”.