Marinduque Brown Deer muling namataan kamakailan lamang bagamat inaakalang extinct na sa Pilipinas!

Sa tatlong taon na nagdaan, marami sa atin ang talagang nagkaroon ng napakaraming reyalisasyon buhat nang mag-pandemya. Naririyan na ang kahalagahan ng pamilya, kalusugan, at positibong disposisyon sa buhay.

Marami sa atin ang talagang nanatili na lamang sa ating mga tahanan kasama ang ating mga pamilya dahil sa takot nating mahawa ng sakit o di kaya naman ay makahawa. Buti na lamang at unti-unti nang bumabalik sa dati ang lahat kahit papaano.

Marami-rami na rin ang sumusubok na magbakasyon o di kaya naman ay mamasyal sa iba’t-ibang lugar sa bansa. Dahil dito ay mas magkakaroon na ng tiyansa at oportunidad ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa sektor ng turismo.

Kamakailan lamang, marami ang nagulat nang muling may mamataan na “Philippine Sambar” o “Marinduque Brown Deer” sa isang taniman malapit sa kabundukan. Hunyo 14, 2022 nang kumalat ang ilang mga larawan ng isang adult male Philippine Sambar na nakita ng isang concerned citizen.

Para sa kaligtasan mismo ng naturang hayop ay hindi na binanggit pa ang lugar kung saan ito namataan. Ayon sa ilang mga nauna nang ulat, taong 1990s pa nang huling mamataan ang mga ganitong uri ng hayop sa bansa.

Kung kaya naman talagang marami ang nagalak nang mapabalitang hindi pa pala tuluyang nauubos ang kanilang lahi. Ayon sa concerned citizen, nang makita niya ito ay agad siyang tumawag sa Marinduque Animal and Wildlife Rescue Emergency Response Team (MAWRET).
Magandang balita rin daw ito ayon kay Dr. Jose M. Victoria na provincial veterinarian ng Marinduque. Pinaalalahanan din nila ang mga residente ng Marinduque na huwag hulihin o saktan ang mga ito kung sakaling makakakita man sila sa daan.

“Kung maaari bugawin na lang. Hindi namin ina-advise na yung mga ganoong uri ng hayop ay hulihin at i-relocate. Kasi yun yung kanilang natural na pamahayan [habitat]. Kung huhulihin sila, lumiliit yung tsansa na mag-survive sila sa paglilipatan.” Pahayag ni Dra. Victoria.

Dagdag pa ng Provincial Veterinary Office, kailangan daw talaga na magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga tao patungkol sa pag-iingat sa mga hayop na ito upang mas mapangalagaan natin sila.