Magkapatid na estudyante, gumagawa at nag-aayos ng mga sirang sapatos pagkatapos ng kanilang klase upang may panggastos sa kanilang pag-aaral at makatulong sa kanilang mga magulang!

Kung marami sa mga kabataan ngayon ang mapapansin nating puro cellphone o computer na lamang, mayroon pa rin palang mga kabataan na talagang nagsusumikap para sa kanilang mga pangarap. Marahil hindi natin madalas mabigyan ng pansin o pagpapahalaga ang mga ganitong bagay ngunit talagang magkakaroon din tayo ng reyalisasyon lalo na kapag natuklasan natin ang kwentong ito ng isang magkapatid.

Maraming mga netizens ang namangha kina Manuelita at Micko Borbon dahil pagkatapos na pagkatapos pa lamang ng kanilang eskwela ay diretso na sila sa pwesto ng kanilang mga magulang kung saan sila gumagawa ng mga sirang sapatos. Si Manuelita ay 13 taong gulang na habang 12 naman si Micko.

Sila ay nasa ikawalo at ikapitong baitang na sa Palawan National High School. Sila ang ate at kuya ng apat pa nilang mga kapatid.

Ang kanilang mga magulang naman na sina Emmanuel at Mary Ann Borbon ang nagbabantay sa munting pwesto ng kanilang shoe repair na pangunahing pinagkukunin din nila ng kanilang pang-araw-araw na gastusin. Sa kasamaang-palad ay hindi naman palaging malakas ang kanilang kita dahil hindi rin naman madami ang mga taong nagpapagawa ng kanilang mga sapatos.


Sa kabila nito ay walang palya pa ring tumutulong ang magkapatid sa kanilang mga magulang. Kung papalarin at magkakaroon sila ng kostumer ay nakakakuha sila ng pera na panggastos nila para sa mga kailangan nila sa ekswela.

Talaga namang nakakabilib dahil sa murang edad ay kakakitaan mo na ang mga batang ito ng disiplina at pagiging responsible. Ayon din sa kanilang nanay, noon pa man ay masipag na ang mga ito.

Dahil sa panunuod nila at pagsusumikap ay nagawa na rin nilang mag-ayos ng mga sapatos kahit pa nga hindi na sila turuan ng kanilang mga magulang. Nakarating din naman sa kanilang principal ang kwentong ito kung kaya naman nangako din itong tutulungan ang mag-anak na kahit papaano ay mapabuti ang kanilang kalagayan.