Magkakapatid na ulila na sa mga magulang, walang ibang kinakain kundi niyog at toyo, minsan ay walang anumang pagkain!

Ang pagkakaroon ng mga anak ay talagang isang mabigat na responsibilidad. Dapat ay nakahanda ang mga magulang na alagaan at mahalin ang kanilang mga anak hanggang sa dumating na ang tamang panahon na sila ay handa nang sumabak sa tunay na hamon ng buhay.

Maliban sa pagkalinga at pagmamahal ay dapat ding magawang masuportahan ng mga magulang ang kanilang mga anak pagdating sa mga pangunahing pangangailangan nila tulad na lamang ng tirahan, damit, edukasyon, at makakain. Ngunit sa kasamaang-palad ay hindi naman lahat ng mga kabataan ngayon ay mapalad pa ring kasama ang kanilang mga magulang.

Mayroong iilan na kinailangan nang tumayo sa sarili nilang mga paa sa murang edad dahil sa wala na silang mga magulang na mag-aalaga at kakalinga sa kanila. Tulad na lamang ng tatlong magkakapatid na ito mula sa Brgy. San Roque, Mercedes sa Camarines Norte.

Nilayasan sila ng kanilang ina na sumama sa bagong nobyo nito. Ang ama na lamang nila ang siyang nag-aalaga sa magkakapatid ngunit pumanaw naman ito agad ng hindi nila inaasahan.

Sa pagkawala ng kanilang ama ay kinailangan nang magbanat ng buto ng kanilang panganay na kapatid. Nakahanap naman siya ng trabaho ngunit dahil sa kaniyang edad ay hindi rin ganoon kalaki ang kaniyang kinikita.

Dahil sa sobrang hirap ng buhay ay madalas na niyog na lamang ang kanilang kinakain at toyo. Niyog ang nagsisilbing kanin nila at toyo naman ang kanilang ulam.
Ito ang nilalaman nila sa kumakalam nilang mga sikmura. Mapalad na silang mayroon silang ganitong pagkain dahil minsan ay talagang wala silang makain.

Batid ng kanilang mga kapitbahay ang paghihirap ng magkakapatid kung kaya naman sa abot ng kanilang makakaya ay tumutulong din sila sa mga ito. Dahil hirap din ang kanilang mga kapitbahay ay paminsan-minsan lamang sila nakakatanggap ng tulong mula sa mga ito na labis din naman nilang ipinagpapasalamat.

Maraming mga netizens ang nahabag sa kalagayan ng mga batang ito na dapat sana ay naalagaan pa rin ng kanilang ina na sa ngayon ay nasa piling na ng bago nitong kasintahan.