Lamok na namatay sa crime scene, nakatulong sa mga pulis upang mahuli ang salarin sa naturang krimen!

Napakarami nang nagaganap na mga krimen sa araw-araw sa iba’t-ibang panig ng mundo. Mga karumal-dumal na krimen na talagang isa na rin sa mga problema ng marami sa atin.

Marami ang nalulutas kaagad habang mayroon din namang iilan na hindi talaga malutas dahil sa ilang mga kadahilanan. Ngunit kamakailan lamang ay naging malaking tulong sa mga pulis ang isang lamok na namataang patay sa mismong crime scene sa Fujian Province sa China.

Aakalain mo talagang hango ito sa isang pelikula dahil talagang nahuli kaagad ng mga otoridad sa Fuzhou, East China’s Fujian Province ang pumasok na magnanakaw sa isang apartment. Buti na lamang at agad na naipasuri ng mga otoridad ang marka ng dugo sa pader ng naturang apartment na mula sa isang namatay na lamok.

Dagdag pa ng mga pulis, hinihinala nilang umakyat mismo sa balkonahe ng apartment ang salarin, maaaring natulog o namahinga ito sandali sa lugar at doon na nga siya kinagat ng lamok na kalaunan naman ay namatay habang nasa katawan nito ang kaniya mismong dugo. Nagkaroon ng DNA test sa naturang dugo na namataan sa pader ng niloobang apartment na mayroon pa raw mga noodles at pinaglutuan ng itlog sa kusina.

Mayroon din daw kumot na iniwanan sa higaan at insenso na ginamit ng taong nanloob dito. Maraming naging ebidensiya rito kung kaya naman nang makita nila ang marka ng dugo na galing sa lamok ay hindi na sila nagdalawang-isip pa na ito ay ipasuri.
Agad naman nilang nakuha ang resulta ng pagsusuri kung saan ang nagmamay-ari ng dugong ito ay ang isang lalaking nagngangalang Chai na mayroon nang record noon pa man bilang isang criminal. 19 na araw naman matapos ang naturang panloloob ay nahuli na si Chai na umamin na rin sa tatlong panloloob pa na kaniyang ginawa.

Nasa kustodiya na siya ngayon ng mga pulis para sa nalalapit na pagdinig sa kaniyang mga kinasasangkutang kaso.