Kilalanin natin ang Elf Owl na ito na binansagan bilang pinakamaliit na owl sa buong mundo!

Marami ang namangha sa napakacute at napakaliit na ibong ito. Ang Elf Owl na kinikilala ngayon bilang “World’s Smallest Owl Species”.


Ang mga ganitong klase ng ibon ay mayroong taas na “less than six inches” at bigat na “less than an ounce and a half” na maaaring maikumpara sa isang golf ball. Kahit maliit ito ay talagang napakahusay pala nitong “hunter”.

Kayang kaya nitong sumiksik sa butas ng mga puno kung saan siya kumakain ng mga “bettles”, “crickets”, “spiders”, at paminsan-minsan ay namamataan din silang kumakain ng mga daga o di kaya naman ay butiki. Maging mga “scorpions” ay kinakain din nila.


Maaari nilang iimbak ito sa kanilang pugad basta’t natanggal na nila ang “stinger” nito. Madalas mamataan ang mga Elf Owls sa Southwest Texas at Southern Arizona.

Ayon sa ilang mga eksperto, maaaring tahimik lamang ang mga ibon na ito ngunit talagang nakamamatay at mapanganib sila lalo na sa mga hayop na madalas nilang kainin. Ang mga babaeng Elf Owls ay nagtatago ng tatlo hanggang sa apat na mga itlog sa kanilang pugad na kalaunan ay mapipisa rin naman makalipas ang tatlong linggo.


Sa mga unang linggo ay dinadalhan pa ng lalaking Elf Owl ng makakain ang mga inakay at ang babaeng Elf Owl. Ngunit makalipas ang ilang linggo ay aalis na rin ng pugad at maghahanap ng pagkain ang inang Elf Owl.


Dagdag pa ng ilang mga eksperto, sa tuwing haharap sa kritikal na sitwasyon o magkakaroon ng kaaway ang mga Elf Owl ay mas pinipili nilang tumakas na lamang kaysa lumaban. Minsan naman ay nagpapanggap silang wala nang buhay hanggang sa makaalis ang kanilang “predator”.

Talaga namang napakaraming magaganda at nakakamanghang bagay ang madalas nating makita sa ating paligid. Maaaring minsan ay hindi lamang natin sila nabibigyang halaga ngunit karapat-dapat naman talaga silang hangaan at kabiliban.


Tulad na lamang ng mga pambihirang Elf Owls na ito.