Kasal ng dalawang aso, dinaluhan ng maraming mga tao!

Ang pagpapakasal o pag-iisang dibdib ng dalawang indibidwal ay talaga namang pinaghahandaan. Kahit pa nga ito ay isang minimalist wedding o di kaya naman ay isang marangya at enggrandeng seremonya – sinisigurado ng mga ikakasal na hindi malilimutan ang mga kaganapan sa espesyal na araw nilang ito.

Ngunit maliban pala sa mga taong ito, mayroon ding iilan ang talagang gumagawa ng paraan upang maipakasal ang kanilang mga alagang hayop. Tulad na lamang ng enggrandeng kasal ng dalawang aso na ito.

Dalawang aso ang nag-isang dibdib sa isang animal rescue shelter sa China. Ang enggrandeng kasalan na ito ay ipinagdiwang upang mahikayat ang mga taong mas magkaroon ng pagmamalasakit sa mga hayop sa kanilang komunidad.

Oktubre 18 nang ang isang rescue center sa Shuangliu county, Chengdu city, Sichuan province, sa China ang nagdiwang ng isang seremonya para sa kasal ng dalawang asong ito. Ang pangalan ng dog bride ay Lán Lán habang ang dog groom naman ay Guai Guai.

Katulad ng ibang mga kasalan, mayroon ding dala na 16 na kahong regalo ang dog groom para sa kaniyang dog bride. Mayroon ding marriage certificate ang dalawa.

Maraming mga tao ang dumalo sa kanilang pag-iisang dibdib. Salitan din ang mga taong ito upang mabuhat ang munting sasakyan ng dog bride at groom.

Marami rin ang humanga sa ginawang ito ng rescue center upang mas mabigyang pansin ang tamang pag-aalaga sa mga hayop na ito. Nakakatuwang makita ang mga taong ito na nagkakaisa sa adhikain nilang mas mapalaganap ang responsableng pag-aalaga sa mga hayop.


Lalo na sa ngayon na maraming mga hayop pa rin ang iniiwanan at inaabandona ng kanilan mga amo. Marahil ay dahil nahihirapan na silang pakainin ang mga ito o di kaya naman ay mayroong malalang sakit at hindi na kaya pa ng mga amo ang ipagamot sila kung kaya naman basta na lamang sila iniwanan sa kung saan.

Sana sa pamamaraan na ganito ay makita natin ang kahalagahan ng mga hayop na nakapaligid sa atin.