Isang war veteran mula sa Iowa, muling nakita ang kaniyang first love mula Japan, makalipas ang 70 taon na paghahanap rito!

Isang 91 taong gulang na war veteran ang muling nabigyan ng pagkakataon na masilayan ang kaniyang unang pag-ibig. Taong 1950 noon nang nagdesisyon ang 19-anyos na si Duane Mann at ang kaniyang mga kaklase na sumali sa United States Army.

Makalipas ang 14 na linggong pagsasanay sa Great Lakes Naval Training Center sa North Chicago, Illinois ay nadestino sila sa Air Station sa Alameda, California mula 1951-1952. Matapos nito ay pinadala naman sila sa Far East Pacific Fleet sa Yokosuka, Japan.

Sa unang siyam na buwan ay nagtrabaho siya bilang isang Class 3 Aviation Storekeeper. Taong 1953 ay nagpalipat siya sa Haneda Air Base (Tokyo International Airport).

Tumaas naman ang kaniyang ranggo bilang Class nang siya ay 23 taong gulang na. May nakapansin ng kaniyang husay sa paghahawak ng mga mechanical devices kung kaya naman nabigyan siya ng pagkakataong makapagtrabaho sa “Unaccredited Officers Club”.

Dito niya na nakilala si Peggy Yamaguchi na isang Haponesa. Siya ay nagtatrabaho din dito bilang isang ‘Hat Check Girl’ at ‘Greeter’.

Mabait siya at talagang palakaibigan kung kaya naman agad din silang nagkasundo. Puring-puri ni Duane ang galing sa pagsayaw ni Peggy.

Ang kanilang pagkakaibigan ay naging pag-iibigan kalaunan. Hanggang sa taong 1954 ay napag-uusapan na nila ang pagpapakasal. Batid nila ang pagiging kumplikado ng kanilang sitwasyon lalo na sa propesyon ni Duane.

Makalipas kasi ang 4 na taong serbisyo nito ay kailangan na niyang bumalik sa Amerika. Bago pa man mangyari ito ay nalaman nilang nagdadalang-tao na nga si Peggy.

Ngunit nang panahon ding iyon ay kinailangan nang lisanin ni Duane ang Haneda Air Force Base dahil tapos na ang Korean war. Nangako naman si Duane na padadalhan niya ng pera si Peggy upang makapunta ito sa Amerika at doon na nila ituloy ang kanilang planong pagpapakasal.

Ngunit nang makarating na si Duane sa kanilang tahanan ay nalaman nitong inatake pala sa puso ang kaniyang ama dahilan upang magamit ng kaniyang mga magulang at mga kapatid ang kaniyang naipon na pera. Naghanap siya ng trabaho at talagang sinikap na makaipon muli upang makita niyang muli si Peggy at ang kanilang anak.

Ngunit dumating ang araw na hindi na nakapagpapadala ng sulat sa kaniya si Peggy. Ang huling sulat na natanggap ni Duane ay ang pagpapakasal ni Peggy sa isang lalaki mula sa Air Force at maninirahan na sila sa Winsconsin.


Talagang nasaktan siya ng husto ng mga panahong iyon ngunit nagpatuloy pa rin si Duane sa kaniyang buhay, umaasang balang-araw ay magkikita silang muli at masasabi niya kay Peggy na hindi niya ito inabandona, gayundin ang dapat sana ay anak nilang dalawa. Makalipas ang 70 taon, sinong mag-aakala na muling magkikita sina Duane at Peggy sa tulong na rin ng kanilang mga anak?

Natuklasan din ni Duane na hindi totoong nasawi ang kanilang anak ni Peggy. Sa katunayan ay nakilala pa niya ito bilang si Mike “Duane” Sedenquist.