Isang tindero ng mani na gumagamit ng sira-sira niyang bisikleta sa paglalako, nabiyayaan ng bagong bike!

Nakakamangha ang maraming mga Pilipino. Kahit gaano man kahirap at kadami ang pagsubok na nararanasan natin sa araw-araw ay talagang pinipili pa rin nating bumangon at maging positibo sa buhay. Marahil ay pamilyar pa rin ang nakararami sa atin sa kwento na ito ng isang mani vendor na nagsusumikap pa ring magtrabaho kahit na sira na ang kaniyang bisikleta.

Ayon sa netizen na si Franklin Ramos Mariscal, napukaw ng lalaking ito at ng kaniyang alagang aso ang kaniyang atensyon habang siya ay naglalakad papunta sa terminal ng bus. Noong una ay inakala pa niyang naglalakad lamang ang lalaki tulak ang kaniyang bike ngunit ito pala ay talagang tinutulak niya na lamang dahil sa sira na ang gulong nito at wala siyang perang pampagawa.

Nilagyan din niya ng duyan ang kaniyang aso upang hindi ito mahirapang maglakad. Kalaunan ay nakilala ang mani vendor na ito bilang si Sisoy. Dati raw ay nagtatrabaho siya bilang isang security guard ngunit nagdesisyon na lamang siyang magtinda ng mani.

Wala na rin siyang mga magulang at mga kapatid kung kaya naman ang alagang aso na lamang niya ang itinuturing niyang pamilya. nanawagan din si Mariscal na kung makikita ng mga netizen ang si Sisoy ay bumili sila dito ng mani kahit papaano. Maraming mga netizens ang humanga kay Sisoy dahil hindi naging hadlang ang pagkasira ng kaniyang bike upang di siya magbanat ng buto.

Dahil dito ay marami ang nagnais na tumulong sa kaniya. Isa na nga ang tindahan ng mga bike na nagbigay sa kaniya ng bagong bisikleta.

“His new trisikad from SIKAD TA BAI will be used for his small business for his rolling store and will be his shelter soon since he has no house to sleep with. A week from now, it will be delivered to him.” Pahayag ni Mariscal.

Talagang labis siyang nagalak nang malaman niya ito at hindi matatawaran ang kaniyang pasasalamat. Mayroon din namang tumulong sa kaniya upang mapabakunahan ang kaniyang aso.