Isang teenager na nahuli dahil sa “speeding, masama pala ang loob dahil nakalimutan ng kaniyang pamilya ang birthday nito. Pulis binilhan siya ng cake!

Likas na sa ating mga Pilipino ang maghanda at magdiwang ng ating kaarawan. Para kasi sa atin ang okasyon na ito ay dapat ipagpasalamat lalo na at hindi naman lahat tayo ay nakapagdiriwang pa ng kaarawan.

Mayroong iilan na sa labis na kahirapan ay hindi na magawa pang maggayak ng pagkain o pumunta sa ilang espesyal na lugar habang ang iba naman ay maagang binabawian ng buhay. Kamakailan lamang ay marami ang nagulat sa balitang ito kung saan isang teenager ang nahuli ng pulis dahil sa “speeding”.

Mabilis ang kaniyang pagmamaneho ng motorsiklo kung kaya naman agad itong hinuli ng naturang pulis. Nang tanungin ng pulis ang teenager kung bakit mabilis ang pagmamaneho nito at wala pang suot na helmet, nagulat siya dahil inamin ng teenager na masamang-masama ang kaniyang loob dahil sa nakalimutan daw ng kaniyang pamilya ang mismong araw ng kaniyang kaarawan.

Ang police officer ay nakilala bilang si Kanokpan Putthapong, ibinahagi nito sa social media ang naging pag-uusapan nila ng teenager na hindi na nito pinangalanan. Agad pala itong umalis sa tirahan ng kaniyang kapatid dahil kahit isa sa mga miyembro ng kanilang pamilya roon ay wala man lang nakaalala sa kaniyang kaarawan.


Dahil dito ay nagdesisyon ang pulis na “warning-an” muna ang binatilyo at agad din itong nagtungo sa isang convenience store upang bumili ng maliit na cake at kandila. Binati ng pulis ng maligayang kaarawan ang binatilyo na hindi naman napigilan ang kaniyang pagluha.

Happy birthday, bro. This year, the police will buy you a birthday cake,” pahayag ni Putthapong.

Tunay nga na bawat isa sa atin ay maraming pinagdaraanan sa araw-araw. Hindi natin sigurado kung ang mga taong nakakasalamuha natin ay mayroon bang mabigat na dalahin o pinagdaraanan sa buhay kung kaya naman dapat din tayong maging sensitibo.

Maaaring tayo ay nakakatanggap ng pagkalinga at pagmamahal sa ating mga mahal sa buhay ngunit marami ding mga tao ang hindi nakakaranas nito.