Isang single mom ang hinangaan ng publiko dahil sa nagawa nitong mapagtapos ang kaniyang anak sa medical school sa pagtitinda lamang ng isda sa palengke!

Hinangaan ng publiko si Nanita Ronquillo, 55 taong gulang na fish vendor dahil sa nagawa nitong mapagtapos ang kaniyang anak sa “medical school”. Hindi alintana ang maraming pagsubok at hirap ng buhay, kahit siya ay isang single mom ay talagang hindi siya pumayag na hindi makamit ng kaniyang anak ang pangarap nitong kurso.

Kahit na mahirap at sila na lamang dalawa sa buhay ay talagang nagsumikap si Nanay Nanita para sa anak niyang si John Nico Ronquillo. Pangarap niya kasi na magkaroon ito ng maayos at magandang buhay.

Araw-araw ay umaalis ng bahay si Nanay Nanita upang magtinda ng isda sa palengke. Maaaring para sa iilan ay madali lamang ang trabahong ito ngunit hindi nila batid na kailangan din ng matinding pagtitiis at determinasyon dito.

Marami ang naantig nang malaman nila ang kwento sa likod ng pagiging single parent ni Nanay Nanita. Nahuli raw nitong nambabae ang kaniyang mister at nang mangyari ito ay hindi na siya nagdalawang-isip pang iwanan ito ng tuluyan.

Hindi rin siya humingi ng tulong sa kaniyang dating asawa sa pagsuporta at pagpapalaki sa kanilang anak. Para kay Nanay Nanita, ano man ang mangyari alam niyang makakayanan nilang mag-ina ang lahat ng pagsubok hangga’t magkasama sila.

Kahit ano pa raw ang pangarap ng anak niya ay kayang-kaya nitong maabot at susuportahan niya ito sa abot ng kaniyang makakaya. Ayon kay Nanay Nanita, mayroong ilang araw na kumikita siya ng isang libong piso sa isang araw habang minsan naman ay mababa pa rito.


Ilang beses din daw huminto ng pag-aaral si John dahil wala silang pera na naipambabayad sa kaniyang matrikula. Hindi nagtagal at nagawa rin niyang makapagtapos ng kaniyang kurso.

At ito ay dahil na rin sa pagpupursige at pagsuporta sa kaniya ng kaniyang ina. Sa ngayon, nais ni John na maging mahusay na doktor ay maibigay ang komportableng buhay para sa kaniyang ina.