Isang single father, hindi nahiyang magsuot ng damit pambabae para sa school event ng kaniyang mga anak para lamang makasali ito sa mother’s day celebration ng kanilang paaralan!

Sa Thailand, ang pagdiriwang ng araw ng mga ina ay tuwing Agosto 12. Upang makasali ang kaniyang dalawang anak sa mother’s day celebration sa kanilang paaralan ay nagdesisyon ang isang single father na ito na magdamit pambabae.

Isang paaralan sa Kanchanaburi ang nagdiwang ng araw na ito kung saan isang single father ang nakiisa rin sa kanilang pagdiriwang. Siya ay nakilala bilang si Chatchai Parn-uthai na hindi nagdalawang-isip at hindi nahiyang magsuot ng bistida para lamang sa kaniyang mga anak.

Wala na kasing ina ang dalawa niyang mga anak kung kaya noon pa man ay siya na ang tumatayong ama at ina para sa kanila. Tatlong taon na rin silang hiwalay ng dati niyang misis at naiwan sa kaniyang pangangalaga ang dalawa nilang mga anak edad 3 at 5 taong gulang.

“I am a single father with 2 kids. I will do anything for my children.” Pahayag niya sa kaniyang caption kung saan inilagay niya rin ang ilan sa mga larawan nila.

Sa ilang mga larawan ay makikita si Chachai na nakasuot ng kulay pink na bistida at mayroon din itong bow-knot hairpin. Nakaupo siya sa isang silya kahilera ang ilan pang mga ina habang binibigyan sila ng mga bulaklak ng kanilang mga anak.

Mayroon ding munting liham na ibinigay sa kaniya ang kaniyang mga anak. Inamin din ni Chachai na ginusto niyang gawin ito upang maranasan din naman ng kaniyang mga anak ang makasali sa ganitong pagdiriwang sa kanilang paaralan.

Marami namang mga netizens ang talagang naantig sa pangyayaring ito. Hindi na bago sa atin ang pagkakaroon ng “broken family” o di kaya naman ay hiwalay na mga magulang.

Ngunit napakasakit pa rin hindi lamang para sa magulang na naiwan kundi lalo na para sa mga anak na makita at maranasang tila may kulang sa kanilang pamilya. Kung kaya naman talagang kahanga-hanga ang ginawang ito ni Chachai para sa kaniyang mga anak.