Isang PWD, nagtapos bilang isang Cum Laude – pinatunayang hindi hadlang ang kaniyang kapansanan upang makamit ang pangarap!

Si Grace Anne “Grasya” Villamor Cadosales ay isinilang na mayroong orthopedic disability” ngunit hindi niya ito hinayaang maging hadlang upang makapagtapos siya bilang isang Cum Laude. Siya ay nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Information Technology sa Perpetual Help College of Pangasinan.

Kasabay ng mahirap niyang sitwasyon dahil siya ay naka-wheel chair na lamang. Hinarap din niya ang mga panghuhusga at panglalait ng mga taong nakapaligid sa kaniya – magmula sa mga guro, mga magulang, at mga kapwa niya estudyante.

Maraming nagtatanong sa kaniya noon kung bakit pa raw niya kailangang magtapos ng kolehiyo kung batid naman niya ang kaniyang mahirap na sitwasyon bilang isang PWD o Person With Disability.

“Kung bakit ako naiiba, kung bakit hindi ako normal, bakit sa dami ng tao sa mundo ako pa ang ganito,” Ito raw ang mga katanungan na madalas niyang itanong sa kaniyang sarili.

Ibinahagi din niya na noong ipinasok siya sa elementarya ng kaniyang ina ay hindi sila tinanggap dahil hindi raw siya normal at maaari din daw siyang maging pabigat sa klase. Talagang nasaktan siya sa mga salitang ito.

Ilang mga magulang ng mga estudyante ang madalas na nagsasabi sa kaniyang ng ganito. Maraming beses siyang pinanghinaan ng kalooban dahil sa mga naririnig niyang ito ngunit hindi pa rin niya hinayaan ang kaniyang sariling bumitaw sa kaniyang pangarap.

Ginawa niya itong motibasyon upang mas mag-aral siya ng mabuti. Kinailangan daw niyang pagdaanan lahat ng mga panghuhusga na iyon upang maging inspirasyon niya sa buhay.

Ang pagiging isang cum laude niya raw ay pahiram lamang sa kaniya ng Diyos at isang paraan lamang upang ipaalam sa lahat na makakaya niyang abutin ang kahit anong imposible basta’t mayroon siyang Panginoon sa kaniyang buhay. Tunay ngang marami ang namangha at bumilib sa kaniyang katatagan at sa kaniyang determinasyon sa buhay.

Hindi natin dapat hayaan na mahadlangan tayo ng kahit anuman para maabot ang ating mga pangarap sa buhay.