Isang pitong taong gulang na anak, nagpadala ng sulat para sa kaniyang ama na nasa langit!

Ang pagkawala o pagpanaw ng mahal natin sa buhay ay talagang napakasakit at kailan man ay hindi natin magagawang ilarawan ang ating mararamdaman. Maaaring labis na kalungkutan ito hinagpis, o di kaya naman ay pangungulila.

Sabi nga ng nakararami, hindi naman daw talaga nakaka-move on o nakakalimot ang mga taong nawalan ng minamahal. Nasasanay lamang silang mamuhay nang puno ng pangungulila at sakit dahil sa pagkawala ng taong naging malaking parte ng kanilang buhay.

Marahil ito rin ang nararamdaman ng pitong taong gulang na batang ito na nakilala sa pangalang Jase Copland. Siya ay nakatira sa West Lothina at ninais niyang magpadala ng sulat sa kaniyang ama sa langit.

Nakasulat sa kaniyang liham ang mga katagang “Can you take this to heaven for my daddy’s birthday?” Talagang noon pa man ay nais na niya itong gawin ngunit hindi siya magkaroon ng pagkakataong maituloy ang balak niyang ito.

Hanggang sa nabigyan siya ng pagkakataon. Nagulat din ang kaniyang ina na si Teri Copland dahil sa ginawa ng Royal Mail na isang kilalang post service company sa kanilang lugar.

Naging emosyonal ang ina ni Jase nang sumulat sa kanila pabalik ang Royal Mail at sinabing naipadala na nila sa ama ni Jase sa langit ang liham ng bata. Nahirapan din daw silang iwasan ang mga galactic objects na kanilang nakasalubong habang dinadala ang liham ngunit sinigurado naman nilang makakarating ang liham na ito.


Hindi rin daw lubos maisip ni Teri kung paano niya ilalarawan ang kaligayahan ng kaniyang anak nang malaman na nakarating sa kaniyang ama ang ginawa niyang liham. Maaaring simpleng bagay lamang ito para sa iilan ngunit para sa kanilang sambahayan ay napakalaking bagay na nito.

Kahit papaano ay naibsan ang labis na kalungkutan nila sa pagkawala James Hyndman noong 2014. At buhat noon ay palagi na nilang ipinagdiriwang ang kaarawan ng kanilang ama kapiling ang kaniyang ate na si Neive, sampung taong gulang.